RIDER HUMAMPAS SA TRUCK, PATAY

NAMATAY noon din sa pinangyarihan ng insidente ang isang motorcycle rider makaraang masagi ang plastic barrier at humampas sa isang trailer truck sa eastbound lane ng Quirino Avenue sa panulukan ng Anak Bayan Street, Paco, Manila nitong Martes ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Ruiz Niexiel Ganna, nasa hustong gulang.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang driver ng trailer truck na si Archie Luarez.

Base sa ulat ni Police Corporal Riddick Fajardo, may hawak ng kaso, na pinangasiwaan ni Police Major Jaime Gonzales Jr., hepe ng Vehicular Investigation Traffic Section (VITS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang alas-3:07 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa naturang lugar.

Ayon sa report ni PCpl. Fajardo, habang sabay na tinatahak ng truck at ng motorsiklo ng biktima ang 1st at 2nd lane ng kalsada nang masagi ng rider ang plastic barrier.

Bunsod nito, humampas ang motorsiklo ng biktima sa kasabayang trailer truck na nagresulta sa pagkabagok ng ulo nito. (RENE CRISOSTOMO)

62

Related posts

Leave a Comment