SCHOLARS NG NAVOTAS NABIYAYAAN NG P2.76-M ALLOWANCE

AABOT sa 334 academic, art, athletic at fisherfolk scholars ang nakatanggap ng tatlo hanggang anim na buwang halaga ng allowance sa ilalim ng NavotaAs Scholarship Program na nagkakahalaga ng P2.76 milyon mula sa pamahalaang lungsod ng Navotas.

Ang mga estudyanteng may merit scholarship ay nakakuha ng P15,600; Navotas Polytechnic College, P3,900; high school, P4,950; at mga guro, P3,000 para sa buwan ng Enero hanggang Marso.

Samantala, nakatanggap ang art scholars ng P9,900; athletic, P11,400; at fisherfolk, P4,950, para sa stipends nila mula Enero hanggang Hunyo.

“Isang malaking hamon ang pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa panahon ng pandemya. Nagpapasalamat tayo na handa tayo rito, mayroon tayong NavoSchool-in-a-box at modified modular distance learning.  Hangad natin na ang allowance na natanggap ng ating mga iskolar ay magagamit nila para matustusan anuman ang kakailanganin nila sa pasukan,” ani Mayor Toby Tiangco.

“Pinalawig ng Department of Education ang enrolment hanggang July 15. Hinihikayat natin ang ating mga estudyante na mag-enroll. Siguruhin natin na magpapatuloy ang edukasyon ng ating mga kabataan sa kabila ng COVID-19,” dagdag niya.

Inilunsad ng pamahalaang lungsod ang NavotaAs Scholarship Program noong 2011. Noong una ay mga estudyante na magaling sa academics at mga gurong nais pang mag-aral ang kasama sa programa.

Taong 2016, binuksan ito para sa mga estudyante na sumasali at nananalo sa sports competitions at noong 2017, nilakip na sa scholarship ang mga estudyante na magaling sa visual arts, music, dancing, theatre arts, at creative writing o journalism.

Makalipas ang isang taon, nadagdag naman sa programa ang mga anak o kamag-anak ng mga Top Ten Outstanding Fisherfolk. (ALAIN AJERO)

127

Related posts

Leave a Comment