NAGPAKAMATAY umano ang isang 70-anyos na Bumbay dahil sa depresyon bunsod ng hindi nasingil na kanyang mga pautang, sa tinutuluyan niyang kwarto sa San Andres Bukid, Sta. Ana, Manila nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Ram Kitshichand, tubong Sri Lanka, at nanunuluyan sa panulukan ng Rubi at Sagrada Familia Streets sa San Andres.
Batay sa ulat ni Police Captain, Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, nakatanggap sila ng tawag mula sa MPD- Sta. Ana Police Station 6, hinggil sa naturang insidente bandang alas-8:00 pasado dahil sa pagkamatay ng biktima.
Bunsod nito, agad na kinordon ng mga awtoridad ang paligid ng silid saka itinawag sa MPD-Headquarters upang imbestigahan.
Hinihinalang naglason ang biktima dahil ayon sa kasama nito sa bahay ay wala naman itong karamdaman.
Gayunman, nabatid na na-depress umano ang biktima dahil sa hindi niya nasingil na mga pautang niyang 5-6.
Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima habang iniimbestigahan ang insidente upang mabatid kung may foul play sa pagkamatay ng dayuhan. (RENE CRISOSTOMO)
