SOCIAL MEDIA, TV BAWAL SA POLICE ON DUTY

MAHIGPIT nang ipinagbabawal ng PNP National Capital Region Police Office sa kanilang mga tauhan ang pagsilip sa kanilang mga social media account, maging ang paggamit ng TV habang sila ay naka-duty.

Ayon kay PNP-NCRPO Director, Police Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, inatasan niya ang kanyang mga tauhan sa Metro Manila na huwag gamitin ang kanilang mga cellular phone para mag-text o mag-check ng kanilang social media accounts habang naka-duty.

Lalo na umano kung mga naka-deploy ay nakabantay sa kanilang area of responsibilities. Sinasabing ginawang pampalipas oras o libangan ng ilang pulis na naka-duty ang kanilang mga cellphone kaya madalas na nakikitang mga nakayuko at hindi natutukan ang mga kapaligiran.

Sinabi pa ni MGen. Okubo, ipinagbawal na niya ang television sets sa lobbies ng police stations sa  Metro Manila para matiyak na matutukan at mabigyan ng tamang serbisyo ang mga taong dumudulog sa pulisya.

“Nag-conduct kami ng study at discreet lang ito, na pinamunuan ng aming Regional Intelligence Division. Nung papasok ‘yung tinatawag naming discreet personnel to ask assistance dun sa mga desk officer, medyo hindi naasikaso dahil nakatingin ‘yung mga desk officer namin sa telebisyon, ayaw paistorbo,” pahayag ni Okubo, kaya nagpasya itong magbaba ng nasabing kautusan.

“Kaya nagkakaroon ng maling assessment at pagtanggap sa mga customers namin. Kaya pinatanggal muna namin (‘yung mga telebisyon) dahil sa study namin na ginawa,” paliwanag pa ng heneral.

Samantala, nilinaw rin ni Okubo ang pagtatalaga nila ng mga babaeng pulis sa front desks ng bawat himpilan . “Naniniwala kami na ang aming mga kababaihang pulis ay may pasensya, the capability to listen to complaints, amiable, and of course, more compassionate, para mas magustuhan ng ating mga customer ‘yung pagpasok sa istasyon dahil mabait at mas nagbibigay ng assistance ‘yung mga female officer namin.” (JESSE KABEL RUIZ)

235

Related posts

Leave a Comment