PINARANGALAN si ACT-CIS Party-list Representative Rowena ‘Niña’ Taduran ng Gawad Amerika Awards Foundation kasama ang respetadong aktres na si Nora Aunor at ang mga lingkod-bayan na sina Senator Bong Revilla, Congressman Alfred Vargas at Bulacan Governor Daniel Fernando sa ika-19 na pagkilala sa mga kapuri-puring Pilipino sa iba’t ibang larangan.
Kinilala si Taduran bilang Outstanding Personality in the Field of Public Service makaraang mapili sa napakaraming nominado ng Filipino-American board ng foundation.
“I am humbled by this accolade by the Gawad Amerika Awards Foundation because I don’t expect to be recognized for serving the public. I am just doing my best in the performance of my job because I know that what the people need is immediate help and protection,” ayon kay Taduran.
Matagal nang nagsisilbi sa publiko ang mambabatas simula pa noong nasa industriya ng media.
Pinalawak pa niya ang kanyang paglilingkod nang maihalal ang ACT-CIS Party-list sa Kongreso kung saan isa siya sa nominado. Nagtayo rin siya ng ACT-CIS action centers sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang mga kapita-pitagang personalidad sa bansa mula sa gobyerno, kalusugan, edukasyon, sports, media at entertainment ang binigyan ng pagkilala sa seremonyang isinagawa sa The Celebrity Center sa Hollywood, California.
Dahil sa pandemya, hindi natanggap nang personal ni Taduran ang award. Inihatid ito sa kanya ni Joey Sarmiento, isa sa mga miyembro ng board of directors ng foundation.
Layunin ng Gawad Amerika Awards Foundation na parangalan ang magigiting na Pilipinong angat sa kani-kanilang larangan upang tularan ng mga Filipino-American. (CESAR BARQUILLA)
