Tunggalian ng 2 politiko sa Pampanga simula na GIRIAN SA NASAMSAM NA P3.6-B SHABU

MISTULANG naggigirian ang magkalabang politiko sa lalawigan ng Pampanga kaugnay sa P3.6 billion halaga ng shabu na nakumpiska sa isang bodega sa Barangay San Jose Malino, Mexico, sa nasabing lalawigan.

Ito’y matapos sabihin ni dating Mexico Mayor Teddy Tumang na may pagtatangkang idawit siya ni House senior deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales sa nasabing droga.

Kaugnay nito, nanganganib na ma-contempt at makulong sa Batasan Pambansa si Tumang na umano’y kalaban ng pamilya ni Gonzales sa susunod na eleksyon sa Pampanga.

Ayon kay House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers, paglabag sa House rules ang pagsasapubliko ni Tumang sa napag-usapan sa executive session hinggil sa nasamsam na P3.6 billion shabu.

“Executive session yun at ang napag-usapan ay tungkol sa nasabing droga na nasabat at ang mga sirkumstansiya sa pagkakadiskubre ng 560 kilos (of shabu) at operational details na confidential in nature. Wala pong pinag-usapan tungkol sa pulitika,” sabi naman ni Barbers.

Sinabi ni Tumang na posibleng niya ang anak ni Gonzales sa congressional election sa ikatlong distrito ng Pampanga sa 2025 election kaya pilit umano siyang idinidiin ng mambabatas sa shabu na nakumpiska sa bodega ng negosyanteng si Willy Ong.

“Meron akong nakausap sa mga nag-iimbestiga. Meron silang executive meeting, meron silang nasabi. Ang nagtanong doon isa ang ating Deputy Speaker, tinatanong sa mga NBI yata na hindi ba talaga involved si Mayor Tumang dyan? Parang ini-implicate niya ako,” ang pahayag umano ni Tumang sa press conference noong October 11, ayon kay Barbers.

Dahil dito, nagbabala si Barbers na posibleng mag-contempt si Tumang na muling ipinatawag ng komite para dumalo sa susunod na pagdinig sa natuklasang shabu noong nakaraang buwan.

(BERNARD TAGUINOD)

436

Related posts

Leave a Comment