NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Energy Regulatory Commission o ERC na udyukan ang ibang distribution utilities (DUs) na sumunod sa “no disconnection” policy ng Meralco habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang mga lugar na nasasakupan nito kabilang na ang Metro Manila.
Muli ring nanawagan ang Senate Energy Committee Chairperson sa mga kinauukulan, lalo na sa mga local government units (LGUs), na payagan ang pagsasagawa ng onsite meter readings upang masiguro ang tamang pagkwenta ng bayarin sa kuryente ng mga konsyumer.
Kasalukuyang naka-ECQ ang Metro Manila at Laguna samantalang nasa ilalim naman ng MECQ ang Cavite, Rizal, at Lucena sa Quezon province.
“Ayaw na nating maulit ang naranasan nating ‘bill shock’ noong isang taon. Dapat natuto na ang mga distribution utilities sa ating naging karanasan. Kung tama ang singil ng kuryente ng mga konsyumer, walang dahilan para hindi nila bayaran ang nakunsumo nila matapos ang palugit na ibibigay sa kanila,” paliwanag ni Gatchalian.
Sinabi pa ng mambabatas na marami na sa ating mga kababayan ang hirap sa buhay at anumang dagdag palugit sa kanilang mga naipong bayarin ay malaking kaginhawaan lalo na’t inaasahang marami na naman ang posibleng maidagdag sa bilang ng mga walang trabaho.
“Nagawa nang ipatupad ang ‘no disconnection policy’ noong isang taon at napalawig pa ito hanggang nitong mga unang buwan ng taong kasalukuyan. Napakalaking pakinabang nito sa mga kunsyumer na gipit sa pang-araw-araw na gastusin. Sana sa ikalawang pagkakataon ay pairaling muli ng iba pang distribution utilities ang konsiderasyon sa ating mga kababayan,” apela ni Gatchalian. (ESTONG REYES)
160 