KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
ANG PAG-ARESTO at pagpapakulong ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa piitan nila sa bansang Netherlands ay isang malaking isyu na humahati sa mga Pilipino. Gayunpaman, ang sitwasyon ngayon ni Duterte ay maliwanag na resulta ng malawak na “extra judicial killings” (EJK) noong kanyang administrasyon. Wala pa si PBBM sa Malakanyang ay may kaso na si Digong sa ICC na isinampa ng mga pamilya ng biktima ng EJK. Ngayon lang gumugulong ang proseso ng batas sa paghahanap nila ng katarungan.
Walang basehan ang akusasyon ng pamilya Duterte na pinahintulutan ng Malakanyang ang tinawag nilang “kidnapping” sa dating pangulo. Paano magiging kidnapping ang nangyari sa Villamor Air Base noong March 11, noong arestuhin si Duterte ng mga kinatawan ng “International Criminal Police Organization” o Interpol katulong ang Philippine National Police (PNP)?
Ipinakita sa kanya ang warrant of arrest na inilabas ng ICC. Binasahan siya ng “Miranda Rights” bago siya hulihin kahit hindi na ito kailangan sa sinomang may kaso sa ICC. Ang buong kaganapan ay may video footages. Nakita ito ng buong mundo hanggang sa lumipad ang eroplanong naghatid kay Duterte sa Netherlands. Hindi ito kidnapping.
Sumisigaw rin ang kampo ni Duterte na nilabag daw ang kanyang “human rights”, walang “due process” ang kanyang pagkakaaresto at pagkakakulong. Pinayagan daw ng Malakanyang na yurakan ng ibang bansa ang “sovereignty” ng Pilipinas. Iginigiit nila na tanging ang korte sa Pilipinas at hindi ang ICC ang may hurisdiksyon na duminig sa kaso ni Duterte at kung ikukulong man siya ay dapat sa ating bansa.
Iisa lang ang nakikita rito – hindi kayang pabulaanan ng kampo ni Duterte ang kaso laban sa kanya kaya inililigaw ang isyu.
##########
Ang ICC ay ang sinasabing “court of last resort. Hindi ito korte ng Netherlands bagama’t nandun ang kanyang hukuman at piitan. Ang ICC ang dumidinig o naglilitis sa mga kaso ng “war crimes”, “genocide”, “aggression” at “crimes against humanity”, lalo na kung ang isang bansa ay hindi kayang gawin o ayaw dinggin ang krimen sa kanilang teritoryo dahil sa iba’t ibang rason partikular ang impluwensya ng akusado para baluktutin ang hustisya.
Nasa 125 na mga bansa ang kasapi sa ICC. Ang malalaki at makapangyarihan tulad ng Estados Unidos, Russia at Tsina ay hindi sumali.
Batay sa Rome Statute – ang kasunduang nilagdaan ng Pilipinas noong 2011 – niliwanag ng ICC na ang pag-alis ng isang bansa ay hindi nagpapawalang-bisa sa obligasyon nito sa mga krimeng naganap habang ito ay miyembro pa. Pinagtibay ito ng Korte Suprema ng Pilipinas sa isang desisyon noong Marso 16, 2021. “Anomang prosesong nasimulan na sa International Criminal Court ay obligadong sundin ng isang bansang kasapi… Ang Pilipinas ay nanatiling sakop at nasasakupan ng Rome Statute hanggang Marso 17, 2019.”
Simula sa petsang ito ay kumalas na ang Pilipinas sa ICC batay sa utos ni Duterte matapos na magsimula ang imbestigasyon sa malawakang EJK sa bansa. Ngunit, ang anomang krimen na ibinibintang sa sinomang Pilipino simula noong 2011 hanggang sa Marso 17, 2019, may kapangyarihan pa rin ang ICC na dinggin ito at maglabas ng warrant of arrest sa akusado kagaya ni Duterte. Dahil ang kasong “crimes against humanity” na isinampa sa ICC ay nagsimula umano noong maging mayor muli si Duterte ng Davao City noong 2013 hanggang sa gitna ng kanyang termino bilang pangulo. Ibig sabihin, may hurisdiskyon pa rin ang ICC na dinggin ito dahil kasapi pa noon ng Pilipinas.
May nagtatanong. Kung hindi na kasapi ng ICC ang Pilipinas, bakit nakapasok ito sa bansa at hinuli si Dutete? Ang nagsilbi ng warrant of arrest kay Duterte ay ang Interpol katulong ang PNP. Dahil kabilang ang Pilipinas sa mga bansang sumusuporta sa Interpol, obligado ang ating pamahalaan na asistihan sila sa kanilang misyon sa bansa.
##########
Nakakaawa si Digong. Sa edad niyang 79 – may sakit at sanay na may alipores sa kanyang paligid na handang sumunod sa kanyang iuutos – ang solitaryong pananatili niya sa nakakandadong piitan ng ICC ay tiyak na aapekto sa kanyang moralidad, isipan at mahinang katawan.
Naghain ng petisyon sa Supreme Court ang tatlong anak ni Duterte upang ibalik ang kanilang tatay sa Pilipinas. Pero parang suntok ito sa buwan dahil walang kapangyarihan ang ating korte kahit ang gobyerno na utusan ang ICC na ibalik si Digong. Wala nang personalidad ang Pilipinas sa ICC dahil hindi na tayo kasapi.
Dapat nating tandaan na si Duterte ang may kagagawan sa kanyang kinasasadlakan ngayon. Nalunod siya ng kanyang kapangyarihan bilang pangulo. Hindi niya iginalang ang batas at karapatang pantao ng mga biktima ng EJK. Paulit-ulit ang kanyang utos sa mga tauhan ng estado: “Patayin ninyo! Sagot ko kayo!”.
Dumating na ngayon ang sandali ng paniningil. Ang kaibahan lang, dumaraan si Duterte sa proseso ng batas at nirerespeto ang kanyang “human rights”. Ang mga biktima ng EJK ay hindi. Basta na lang sila pinapatay.
Babala sa mga nasa poder ng kapangyarihan: “No one is above the law”.
