Kahit ‘di pinagagamit ng gov’t covered court TULONG PINANSYAL SA MONTALBEÑO TULOY-TULOY – REP. NOGRALES

(JOEL O. AMONGO)

TINIYAK ni Rizal, 4th District Representative Fidel Nograles na kahit na hindi sila pinagagamit ng mga covered court ng gobyerno sa iba’t ibang barangay ng Montalban ay hindi nito mapipigilan ang kanilang isinasagawang tulong pinansyal sa kanilang mga kababayan.

Sa harapan ng 1,500 benepisyaryo ng tulong pinansyal, mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), humingi si Nograles ng paumanhin dahil napalayo ang venue ng kanilang pamamahagi ng ayuda.

“Kaunting tiis lang po, kahit na medyo nahihirapan kayo sa pagpunta dito ay sinisiguro ko po sa inyo na tuloy-tuloy po ang ating isinasagawang tulong pinansyal,” ani Nograles.

Naisakatuparan ang tulong pinansiyal na P2,000 bawat isa sa 1,500 benepisyaryo mula sa DSWD sa pagsisikap ni Cong. Fidel Nograles.

Kasabay nito, pinasalamatan naman ni Nograles ang Villa Jalapa Resort na nagpahiram sa kanila bilang venue ng pamamahagi ng tulong pinansyal.

Nanawagan din si Nograles sa Montalbeno na magkaisa at magtulong-tulong upang makamit ang tagumpay tungo sa kaunlaran ng bayan ng Montalban.

Bagamat hirap si Cesar Siron, Jr., 48, isang PWD na nagtungo sa Villa Jalapa Resort, Sitio Bangkal, Brgy. San Isidro, isang liblib lugar, lubak-lubak na at maputik pa ay pinagtiyagaan niyang puntahan ito para kunin ang nasabing ayuda.

Dahil dito, pinasalamatan niya si Nograles dahil ang kanyang natanggap na ayuda ay malaking tulong sa kanya sapagkat isa siyang PWD.

Lubos din ang pasasalamat ni Nardo Elig, 66, ng Brgy. Puray kay Nograles matapos siyang mapasama sa isa sa mga benepisyaryo ng tulong pinansyal.

Ayon pa sa kanya, wala siyang mapagsidlan ng kasiyahan sa natanggap niyang ayuda sa pamamagitan ng tulong ni Nograles.

Nagpasalamat din si Rolindo Ibanez, kay Nograles na kundi dahil sa kanya ay hindi sila makatatanggap ng tulong pinansyal mula sa DSWD.

Kasabay nito, kinondena nina Siron, Elig at Ibanez ang mga namamahala sa mga covered court sa mga barangay sa Montalban na hindi ipinahihiram sa mga aktibidad na may kinalaman sa pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo.

“Kanino bang pera ang ipinatayo sa mga covered court na yan, kina kapitan, mayor o gobernador ba yan?,” banggit pa nila.

“Pera po ng taumbayan ang ginamit sa pagpapatayo ng mga yan, bakit kami ang kanilang pinahihirapan?,” hinanakit pa ng mga benepisyaryo ng tulong pinansyal.

Matatandaan kamakailan sa isinagawang DOLE-TUPAD payout sa Aranzazu Covered Court, Brgy. Burgos ay ginulo sila ng mga barangay opisyal mismo na sinabayan ng kanilang fire drill ang pamamahagi ng ayuda.

Maya-maya ay pinaaandar ang wang-wang at pinarerebolusyon ang makina ng fire truck na nagdulot ng pag-uubo at hirap na paghinga ng isang benepisyaryo ng DOLE-TUPAD payout.

Pinatay lamang ang makina ng firetruck nang muntik sugurin ng mga kumukuha ng ayuda ang mga barangay opisyal na nanggugulo sa DOLE-TUPAD payout.

Dahil umano sa pananabotahe ng ilang barangay opisyal sa isinasagawang ng DSWD at DOLE-TUPAD payout ay mas minabuti ng kampo ni Nograles na isagawa na lamang ang kanilang mga aktibidad sa mga pribadong lugar.

166

Related posts

Leave a Comment