NAGHAIN ng ‘not guilty’ plea ang kampo ng akusadong si Allan Dennis Sytin sa kinahaharap nitong kasong murder at frustrated murder sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 7.
Si Allan Dennis ang itinuturong utak sa pagpatay sa negosyante at kapatid nitong si Dominic Sytin, founder ng United Auctioneers Incorporated, dahil sa hindi pagbibigay ng share ng kita ng kumpanya sa akusado.
Nobyembre 28, 2018 nang barilin si Dominic sa tapat ng isang hotel sa Subic Bay Freeport Zone, Olongapo City.
Ang akusado ay nadakip ng mga tauhan ng Royal Malaysian Police sa isang club sa Selangor, Malaysia noong Marso 22, 2025.
Agad na inilipat si Allan Dennis Sytin sa Manila City Jail – Male Dormitory, base sa kautusan ni Manila RTC Executive Judge Carolina Icasiano-Sison ng Branch 18.
Unang nadakip ang gunman na si Edgardo Luib at ang middleman na si Ryan Rementilla, na nahaharap din sa parehong kaso.
(JULIET PACOT)
