VILLAR, HINILING SA DOH NA PABILISIN MEDICAL ASSISTANCE SA MGA MAY AUTOIMMUNE DISEASES

NANAWAGAN si Sen. Mark Villar sa Department of Health (DOH) na pabilisin ang proseso ng pag-apruba sa tulong medikal para sa mga pasyenteng may autoimmune diseases upang mas maging abot-kaya ang kanilang mga gamot at kinakailangang serbisyong pangkalusugan.

Sa deliberasyon sa panukalang 2027 budget ng DOH, binigyang-diin ni Villar ang malaking gastusing pinapasan ng mga pasyenteng nangangailangan ng tuluy-tuloy na gamutan at regular na pagpapatingin upang makontrol ang kanilang kondisyon.

“Para sa mga pasyenteng may lupus at iba pang autoimmune diseases, hindi luho ang kanilang mga gamot. Hindi natin maaaring ipagpaliban ang tulong na lubos nilang kailangan,” ani Villar.

Sa pagsagot sa interpellation ni Villar, sinabi ni Sen. JV Ejercito na kasalukuyang sinusuri ng DOH at PhilHealth ang Clinical Practice Guidelines (CPG) at mga rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) upang maisama sa mga benepisyo ng PhilHealth ang mga gamot para sa autoimmune diseases.

Tinalakay rin ni Ejercito ang posibilidad na magtalaga ng mga piling ospital ng DOH kung saan maaaring makakuha ang mga pasyente ng mga espesyal na gamot, katulad ng mga cancer center.

Tiniyak din niyang bibigyang-prayoridad ng kagawaran ang usapin.

Malugod na tinanggap ni Villar ang pangakong ito, ngunit iginiit na kailangang pabilisin ang proseso dahil hindi maaaring maghintay ang mga pasyente sa kinakailangang tulong.

“Matagal nang ginagamit at napatunayan na ang mga paggamot at gamot para sa mga kondisyong ito. Hindi ko nakikita kung bakit kailangan pa nating patagalin ang pag-apruba. Para sa mga pasyente at kanilang pamilya na dumaranas ng matinding kalbaryo, bawat araw ay mahalaga,” aniya.

Personal din kay Villar ang adbokasiyang ito dahil ang kanyang maybahay na si Atty. Emmeline Aglipay-Villar ay may lupus, isang autoimmune disease. Dahil dito, nauunawaan umano niya ang mga hamong kinakaharap ng mga pasyente at ang pangangailangang mapabuti ang kanilang access sa serbisyong pangkalusugan.

Sa 20th Congress, ipinagpapatuloy ni Villar ang adbokasiyang ito sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1513 o Comprehensive Lupus Prevention Act. Layunin nitong magtatag ng pambansang programa para sa lupus, palakasin ang kamalayan ng publiko, isulong ang maagang pagtukoy sa sakit, at pagbutihin ang access sa angkop na gamutan at serbisyong medikal.

Sa kanyang interpellation, iminungkahi rin ni Villar na pag-aralan ng DOH ang pagtatatag ng mga ospital na nakatuon sa pangangalaga sa mga pasyenteng may autoimmune diseases, katulad ng mga pasilidad para sa cancer at sakit sa bato.

Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mailalapit sa mga pasyente ang mga espesyalistang doktor, kinakailangang gamot at iba pang serbisyong medikal.

Nangako si Villar na patuloy niyang isusulong ang mas matibay na suporta ng pamahalaan upang mabawasan ang gastusin ng mga pasyente at matiyak na walang Pilipinong may pangmatagalang karamdaman ang mapagkakaitan ng kinakailangang pangangalagang pangkalusugan.

“Hindi sapat na umasa lamang sa pag-asa ang mga pasyenteng may autoimmune diseases. Nararapat silang magkaroon ng madaling access sa gamutan, abot-kayang mga gamot, at isang sistemang pangkalusugan na aalalay sa kanila sa bawat yugto ng kanilang pakikipaglaban sa sakit,” pagtatapos ni Villar.

(DANNY BACOLOD)

34

Related posts

Leave a Comment