TARGET ni KA REX CAYANONG
HINDI lamang sa mga kalsada, gusali at iba pang imprastraktura nasusukat ang pag-unlad ng isang lalawigan. Mahalaga ring bigyang-pansin ang mga sektor na araw-araw na nagbibigay ng pagkain at kabuhayan sa mamamayan.
Ito ang isa sa mga layuning makikita sa mga programang isinusulong ni Quezon Governor Helen Tan para sa lalawigan.
Sa 4th Lingkod Parangal sa Paghahayupan 2026, kinilala ang mga lokal na pamahalaan na may mahalagang ambag sa pagpapalakas ng sektor ng paghahayupan.
Hindi maliit na bagay ang ganitong pagkilala. Sa likod ng bawat programa ay mga magsasaka, nag-aalaga ng hayop at mga manggagawang umaasa sa sektor para sa kanilang pang-araw-araw na kita.
Alam nating maraming hamon ang kinahaharap ng mga nag-aalaga ng hayop at mga negosyante sa poultry industry. Kabilang dito ang gastos sa produksyon, pangangalaga sa mga alagang hayop at pagpapanatili ng sapat na suplay ng pagkain.
Kaya mahalagang hindi napuputol ang suporta ng pamahalaang panlalawigan. Kaya naman, sa tulong ng Office of the Provincial Veterinarian, mas naitutulak ang mga programang nagbibigay ng tulong at pagkakataon sa livestock raisers.
Hindi lamang paghahayupan ang dapat pagtuunan ng pansin. Kailangan ding pangalagaan ang ating mga karagatan dahil malaking bahagi ng kabuhayan ng mga taga-Quezon ay nakasalalay sa yamang-dagat.
Sa ganitong layunin isinagawa ang kauna-unahang Quezon Provincial Bantay Dagat Convention na dinaluhan ng mga bantay dagat mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Sila ang mga taong nasa likod ng pagbabantay sa ating karagatan. Hindi madali ang kanilang tungkulin dahil kailangan nilang harapin ang iba’t ibang panganib habang sinisiguro na nasusunod ang mga batas laban sa ilegal na pangingisda.
Karapat-dapat lamang na kilalanin ang kanilang sakripisyo. Ang kanilang trabaho ay hindi lamang para sa pangangalaga ng mga isda at iba pang yamang-dagat kundi para rin sa kinabukasan ng mga pamilyang umaasa sa pangingisda.
Mahalaga rin ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga local at national agencies upang maging maayos ang pagpapatupad ng mga regulasyon. Hindi sapat ang pagkakaroon ng mga batas kung kulang naman ang pagbabantay at suporta sa mga nagpapatupad nito.
Sa dalawang programang ito, makikita ang kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa mga sektor na madalas hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala. Parehong mahalaga ang mga naghahayupan at mangingisda sa pagpapanatili ng suplay ng pagkain at paggalaw ng ekonomiya.
Dito pumapasok ang papel ng pamahalaang panlalawigan. Hindi lamang dapat tumugon kapag may problema. Mas mahalaga ang mga programang nakatutulong upang maiwasan ang suliranin at mapalakas ang kabuhayan ng mamamayan.
Sa pamumuno ni Gov. Helen Tan, patuloy na naihaharap ang mga inisyatibong nakatuon sa paghahayupan at pangangalaga sa yamang-dagat. Mahalaga na magpatuloy ang mga ito at maramdaman ang pakinabang hanggang sa mga komunidad.
47 