ARESTADO sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police ang notoryus na lider at dalawang iba pa pawang mga pinaniniwalaang bahagi ng isang sindikatong sangkot sa land-grabbing sa sa lalawigan ng Rizal .
Sa ulat ni CIDG Director Maj. Gen Albert Ignatius Ferro kay PNP director-general Guillermo Eleazar, nasamsam mula sa pag-iingat ng mga suspek ang samu’t sariling armas at pampasabog sa isinagawang operasyon sa Sitio Bulak, Barangay San Isidro ng Rodriguez sa lalawigan ng Rizal.
Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng mga arestadong sina Rodelio Caballes at dalawang kasama na sina Gideon Mark Exito at Ruben Palioc.
Sa bisa ng isang search warrant na pirmado ni Judge Josephine Fernandez ng San Mateo Regional Trial Court, sinalakay ng CIDG Anti-Organized Crime Unit, Special Action Force at Rizal Police Provincial Office ang safehouse ng mga suspek kung saan tumambad ang iba’t ibang kalibre ng baril, mga bala at mga pampasabog.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong loaded cal. 45 semi-automatic pistol, isang kargadong cal. 30 US Carbine automatic rifle, isang cal .38 revolver na may 6 na bala, tatlong granada, anim na 12-gauge shotgun at sari-saring identification cards.
Sasailalim naman sa ballistic examination ang mga narekober na armas kung ginamit ito sa krimen.
Ayon sa pulisya, itinuturo din si Caballes na lider ng kanyang armed group na sangkot sa pangangamkam ng lupa at pangingikil hindi lamang sa lalawigan ng Rizal, kundi maging sa buong Calabarzon at Mimaropa regions.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act of 9156 o illegal possession of explosives at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition ang mga suspek. – CYRILL QUILO
134 