OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
PUNO ng lungkot at katanungan ang iniwang pamilya ni Honey “Kristene” Talamera Bauden, 37, isang household worker, na pumanaw sa Jeddah, matapos ideklara ang kanyang pagkamatay noong Agosto 15, 2025.
Ayon sa ulat ng Immigration, sanhi ng kanyang pagkamatay ay “natural death” bunsod ng hemorrhagic stroke sa utak. Gayunpaman, mariing kinukwestyon ng pamilya ang mga pangyayari bago siya pumanaw.
Mga Pangyayari Bago ang Pagpanaw
Noong Agosto 5, nakapag-video call pa si Bauden sa kanyang kapatid at isinalaysay ang umano’y harassment na naranasan mula sa driver ng kapatid ng kanyang amo. Nauwi ito sa pagtatalo nila ng employer’s brother.
Pagkatapos nito, hindi na siya muling nakontak ng kanyang pamilya mula Agosto 6–7, bagay na ikinabahala dahil nakasanayan nitong makipag-ugnayan araw-araw.
Batay sa death report, dinala siya sa ospital noong Agosto 8 dahil sa diumano’y “aksidente sa banyo.” Hindi man lang naabisuhan ang kanyang mga kaanak sa Pilipinas tungkol sa kanyang pagkaka-ospital, kahit nakasulat sa kanyang pasaporte ang mga pangalan at contact details ng beneficiaries.
Noong Agosto 15, idineklara ang kanyang pagpanaw, ngunit tatlong araw ang lumipas bago ito ipinaalam ng Immigration sa kanyang pamilya sa Pilipinas.
Ayon sa sumbong ng kanyang kapamilya, hindi tugma ang ulat na aksidente sa banyo sa huling sumbong ng biktima tungkol sa harassment.
Humihingi ng agarang aksyon ang pamilya ni Bauden mula sa Philippine Embassy/Consulate sa Jeddah at sa Department of Migrant Workers (DMW). Kabilang sa kanilang kahilingan ang masusing imbestigasyon sa tunay na dahilan ng pagkamatay; pagpapaliwanag sa pagkaantala ng pagbabalita; agarang pagpapalabas ng NOC; at pagbibigay ng opisyal na autopsy report.
Naniniwala ang pamilya na hindi lamang simpleng “natural death” ang kaso at nananawagan sila ng hustisya para sa kanilang mahal sa buhay.
