BAHA NG KORAPSYON

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

WALA namang bagyo, pero nang bumuhos ang ulan nitong Sabado, nakagugulat na sobrang bilis ang pagbaha sa napakaraming lugar sa Metro Manila. Napakainit na usapin pa naman ngayon ang mga hindi naipatupad na flood control projects dahil sa matinding sistema ng korapsyon na tayo rin namang lahat ang naaapektuhan.

Dahil sa mga kontrobersiya at mga ‘di maitatangging anomalya, isa sa naging malinaw ay ang marangyang pamumuhay ng maraming politiko at mga kontraktor na sinasabing may kinalaman sa palpak na mga proyektong dapat sana ay pinakikinabangan na natin ngayon.

Bukod sa mga contractor at mga opisyal ng pamahalaan, nadamay rin sa mga usapin ang mga kilalang personalidad na konektado sa kanila.

Hindi biro ang naging backlash sa tila mga display ng mamahaling gamit, overseas trips, at private jets na naging simbolo na ng hindi makatarungang pribilehiyo—lalo na sa panahong iniinda ng marami, hindi lamang ang matinding pagbaha, kundi pati na rin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.

Maraming mga proyekto naman sana, karamihan nga lang bahagi na ng matinding sistema ng korapsyon na napakaraming kasali dahil nakasanayan na. Maririnig din natin na ganyan talaga ang kalakaran o ang sistema, kaya nga kung gusto mo makakuha ng proyekto, magnegosyo at kumita ng pera — kailangan mong maging bahagi ng bulok na kalakarang ito.

Alam na natin ngayon na sa bilyun-bilyong nailaan para sa mga proyekto, wala pa sa kalahati nito ang talagang napunta sa mga ito dahil sa napakaraming kickbacks na nagresulta sa maaaring substandard na construction o kaya naman, wala talagang proyektong naipatupad.

Pero dahil nga ang dami nang nadamay, nagkakainitan na rin mismo itong nakaupong mga politiko — tama bang isama sa pananagutin ang mga influencer na konektado sa mga contractor at mga politiko?

Well, una sa lahat. Matatanda na sila. Kung wala man silang alam kung saan nanggagaling ang pera ng kanilang mga kapamilya o kamag-anak, ibig sabihin wala silang pakialam basta walang negatibong epekto sa kanila. Pero patunay ang pagkakadawit ng mga pangalan nila na hindi maganda ang epekto ng mga naturang koneksyon sa kanila — lalo na

‘yung mga alam naman natin na kumakayod din naman para mapanatili ang mga piniling lifestyle at magkaroon ng milyun-milyong tagahanga at followers.

Patunay ito na hindi pwedeng magbulag-bulagan sa nangyayari sa paligid at hindi dapat ipagsawalang-bahala ang reyalidad na may malaking agwat sa pagitan ng kanilang pribilehiyo at ng kahirapan ng nakararami.

Eye-opener rin ito para maging mas mapanuri tayo sa mga hinahangaan natin o sinusundan, lalo na kung hindi natin alam ang nasa likod ng mga pinakikita nila sa social media. Hindi naman ibig sabihin guilty agad sila, kundi nagsisilbing panawagan para maging mas mindful din sila at isipin ang kapwa nila. Hindi na sapat ang magpakita ng curated image online dahil kailangang may kasabay na transparency at pagkilala sa mas malawak na konteksto at epekto ng impluwensiya.

Kung malawak ang impluwensya, kasama nito ang responsibilidad at obligasyon na maging mas maingat at mas sensitibo. Kailangan gamitin ang impluwensya para sa mabuti, hindi para lang makakuha ng validation.

May mabuti ring naidudulot ang ingay dahil kahit papaano, pinipilit nitong gisingin ang publiko. Hindi lang sa idolo nilang influencer, kundi lalo na sa mga politiko na tila itinuturing na Diyos ng kanilang mga tagasuporta. Nakalilimutan kasi natin minsan na binoto natin sila, at ‘yung ibang nasa posisyon — trabaho nila ang magsilbi at hindi magpayaman. Lingkod-bayan nga sila, pero sobrang tindi ng mga interes at sobrang gahaman ng napakarami. Kailangan natin tandaan na hindi dapat sambahin ang mga politiko at kung hindi nila ginagawa ang kanilang trabaho at hindi ginagastos ang ibinabayad na buwis ng taumbayan sa tamang paglaan — dapat silang papanagutin.

Hindi lamang ito tungkol sa pagiging influencer, contractor, o opisyal ng pamahalaan kundi tungkol sa pananagutan. Lahat tayo ay may karapatang magsaya at mamuhay nang marangya kung bunga ng sariling sipag at tiyaga.

Pero matindi talaga ang korapsyon at dahil dito, mas marami ang nagdurusa imbis na nakikinabang sa kanilang pinaghirapan.

Hamon din ito sa atin na maging mas mapanuri, mas kritikal, at mas mulat dahil sa panahon ng baha ng luho at baha ng korapsyon — kailangan may managot dahil kung hindi, paulit-ulit lang itong mangyayari at tayo pa rin ang talo sa bandang huli.

163

Related posts

Leave a Comment