TINUTUTUKAN ng overseas Filipino workers (OFWs) ang isyu na kinakaharap ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa Senado. Nakasalalay kasi rito ang mga magiging susunod na hakbang ng mga OFW sakaling mabalewala ang mga naunang isiniwalat na anomalya.
Nakatutok din ang mga OFW sa magiging pag-amyenda ng Senado sa Universal Health Care law na kung saan ang mga OFW ay kinakailangan na magbayad ng katumbas na mula 3% hangang 5% ng kanilang sweldo.
Katumbas ito ng halos 25,000 hangang 50,000 piso kada taon. Kahilingan kasi ng mga OFW ay ibalik sa dati nitong halaga na 2,400 kada taon ang dapat lamang na bayaran ng mga OFW dahil karamihan naman sa mga ito ay hindi nakikinabang sa medical services ng mga ospital sa ibang bansa.
May mga bansa kasi na libre ang gastusin sa hospitalization. Subalit may mga bansa rin naman na maraming OFW ang nahihirapan sa gastusin sa kanilang pagpapagamot.
Isa pa sa hinihiling ng sektor ng OFW ay ang pagkakaroon ng kinatawan ang mga OFW sa PhilHealth Board upang maging tagapaghatid ng mga karaingan at pangangailangan ng mga OFW.
Hindi matanggap ng mga OFW ang tangkang panggagahasa ng PhilHealth sa pondo na makokolekta sa kanila. Ayon kasi sa pagbubunyag ni PhilHealth anti-fraud officer Thorrsson Montes Keith, ang layunin ng PhilHealth kaya pinupursige ang paninigil ng OFW premium ay para mapagtakpan ang nauubos ng pondo ng nasabing ahensya. Kung mayroon sanang kinatawan ang mga OFW sa
PhilHealth Board ay malamang na mapigilan ang anumang pagsasamantala sa mga OFW.
Masakit sa kalooban ng mga OFW na tila lagi na lamang sila ang nakikita para gatasan ng mga ahensya ng gobyerno sa tuwing may pangangailangan ng pondo. Una na rito ay tintulan nila ang plano na itali sa pagkuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) ang pagbabayad ng PhilHealth premium na agad namang siniguro ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na hindi ito pahihintulutan ng POEA Governing Board.
Marahil ay kung masisiguro lamang na may mapaparusahan sa mga opisyales ng PhilHealth sa mga inaakusang pandarambong at maamyendahan ang UHC law na magbaba ng Philhealth premium ng mga OFW, ay hindi malayong sumuporta ang mga OFW sa programa ng Philhealth.
Magugunita na una nang tinutulan ng mga OFW ang pagtali ng PAGIBIG Membership sa pagkuha ng OEC, ngunit kalaunan ay sinuportahan ito ng mga OFW dahil napatunayan nito na maraming kapakinabangan ang pagiging aktibong miyembro ng PAGIBIG.
Gayundin ang Social Security System (SSS) na halos ayaw bayaran ng mga OFW, ngunit sa bandang huli ay napagtanto ng mga OFW na kinakailangan nila ang pagkakaroon ng SSS para sa sarili nilang kapakinabangan lalo na kung sila ay tuluyan ng magreretiro bilang mga OFW.
Bukas sa isasagawang pagdinig ng senado ay inaasahan ang pagdalo ni Department of Health Secretary Francisco Duque lll bilang Chairman of the Board ng PhilHealth. Dito ay malalaman ng taumbayan kung ano-ano ang mga ginawang hakbang upang mapigil o mabawasan ang pag-aaksaya ng pondo ng mga opisyales ng PhilHealth.
Inaabangan din ng mga OFW ang magiging resulta ng isinasagawang pag-iimbestiga ng Department of Justice (DOJ) at the Presidential Anti -Crime and Corruption (PACC). Kailangan na may mga opisyal ng PhilHealth na mapaparusahan at makikita na nakakulong. Dahil ang perang kanilang inaksaya ay pera na maaring magsalba ng mas marami pang mamamayan lalo na ng mga OFW.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.
