SA ika-100 araw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang pinuno ng bansa nitong Oktubre 7, isa sa pinakamahalagang tagumpay ng kanyang administrasyon – na “unity” ang campaign battlecry noong eleksyon – ay ang pagkakaroon ng one Bangsamoro government.
Ito ay naisakatuparan dahil sa pagtatalaga ng mga miyembro na bubuo sa reconstituted Bangsamoro Transition Authority (BTA), ang interim government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na nagmula hindi lamang sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kundi maging sa dalawang malaking paksyon ng Moro National Liberation Front (MNLF), ang Nur Misuari faction at ang Muslimin Sema-Yusoph Jikiri faction na lahat ay nagsanib-pwersa sa ilalim ng united BARMM.
Ayon sa Republic Act No. 11054 (Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) o ang Bangsamoro Organic Law na naisabatas noong 2018, ang BTA ang magsisilbing interim government ng BARMM habang ito ay nasa “transition period” o mula sa araw ng ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law noong January 25, 2019. Malinaw sa batas na “deemed dissolved” o wala nang bisa ang BTA sa sandaling maihalal ang BARMM parliamentary at regional officials na dapat sana ay isasabay sa pambansang halalan nitong nakalipas na Mayo 9, 2022.
Matatandaan na noong Oktubre 28, 2021, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11593 na nagpalawig sa “transition period” hanggang 2025. Ito ay matapos maantala ang transition process dahil sa pandemya, at iniatas na isasabay na lamang ang eleksyon ng BARMM sa 2025 national elections. Base pa rin sa naturang batas, maaaring magtalaga ang Pangulo ng walumpung (80) bagong interim members ng BTA na magsisilbi hanggang June 30, 2025 o hangga’t ‘di pa naihahalal ang mga susunod na kwalipikadong opisyal.
Nito ngang Agosto 12, 2022, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang mass oath-taking ng 80 appointed members ng BTA sa Malacanang. Ang mga opisyal na ito sa pangunguna ni reappointed interim chief minister Ahod Murad Ibrahim ay maninilbihan ng tatlong taong termino mula 2022 hanggang 2025.
Ang nasabing mass oath-taking ay sinaksihan din ni United Nations Resident Coordinator Gustavo Gonzalez na nagsabing magdudulot ng payapang transisyon ang pagkakaroon ng parehong bago at datihang opisyal na tiyak na magpapatuloy sa mga proyekto at programa ng BARMM. Dagdag pa niya, sa kauna-unahang pagkakataon, magiging patas ang bawat oportunidad para sa mga paksyon ng MILF at MNLF, gayundin sa iba’t ibang komunidad na sakop ng rehiyon.
Isinasaad sa Bangsamoro Organic Law na bagaman ang BTA ay pangungunahan ng MILF, maaari ring magkaroon ng partisipasyon ang MNLF. Mababatid na sa nakaraang administrasyon, tanging ang MNLF Sema-Jikiri faction lamang ang nagrekomenda ng nominees para sa pagbuo ng unang BTA. Hindi nagbigay ng mga nominado si MNLF founding Chairperson Misuari galing sa kanyang organisasyon.
Ang paglahok ng grupo ni Chairperson Misuari ay naisakatuparan sa reconstituted BTA sa ilalim ng Marcos administration. Ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng nominees para sa BTA si Chairperson Misuari, kung saan kasapi rin sa bagong BTA ang kanyang mga anak na sina Abdulkarim Misuari and Nurrheda Misuari.
Bukod sa pagtatalaga ng miyembro mula sa mga paksyon, isa rin sa kahanga-hanga sa reconstituted BTA ang patas na representasyon mula sa minority groups sa BARMM, kabilang na ang grupo ng mga kababaihan.
Dinaluhan ni Pangulong Marcos ang inagurasyon ng BTA sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City noong September 15, 2022, kung saan, sa kauna-unahang pagkakataon, ay dinaluhan din ni Chairperson Misuari.
Sa kanyang talumpati sa naturang inagurasyon, sinabi ni Pangulong Marcos na malaking patunay na sumusuporta ang Bangsamoro region sa kanyang panawagang pagkakaisa, dahil sa pagsasanib-puwersa ng iba’t ibang grupo para sa BTA. Pinuri niya ang kanilang pagtalima sa pagkakaisa, pagkakapit-bisig sa pagtupad ng mga responsibilidad, at ang pagsusulong ng kapayapaan at pag-unlad ng Bangsamoro.
Ang hamon ng Pangulo Marcos sa BTA ay magampanan nito ang tungkulin na magpasa ng mahahalagang lehislasyon o batas para sa fiscal policies at para sa sarili nilang Election Code sa ilalim ng extended transition period. Anang Pangulo, ito ang magiging daan upang maisakatuparan ang tunay na kapayapaan, kaunlaran, at awtonomiya sa BARMM.
