One Meralco Foundation suportado ang mga inisyatibang pang-edukasyon para sa mga Kabataang Pilipino

Matapos malagyan ng OMF ng kuryente gamit ang solar ang Kboyong Elementary School sa T’boli, South Cotabato, puwede nang gumamit ng iba’t ibang gadgets na makakatulong sa mga guro at mag-aaral na mas maintindihan ang mga leksyon.

Edukasyon ang susi para sa maliwanag na bukas. Gayunman, maraming Pilipinong mag-aaral ang hindi nabibigyan ng patas na oportunidad dahil sa iba’t ibang hadlang tulad ng kakulangan ng pambayad sa tuition fees o pambili ng school supplies. Para sa mga mag-aaral sa malalayo at liblib na lugar, ang kawalan ng serbisyo ng kuryente ay isa ring malaking hamon.

Upang maging bahagi sa pagbigay solusyon sa iba’t ibang hamon sa larangan ng edukasyon sa bansa, nakikipagtulungan ang One Meralco Foundation, ang corporate social responsibility arm ng Manila Electric Company (Meralco), sa iba’t ibang organisasyon tulad ng Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, at maging sa mga partner mula sa pribadong sektor upang maisakatuparan ang iba’t ibang programang pang-edukasyon. Bahagi ang mga adbokasiyang ito sa hangarin ng Meralco na makibahagi sa pag-unlad ng iba’t ibang pamayanan sa Pilipinas na magkaroon ng pagkakataong malinang ang iba’t ibang kakayahan at makatulong sa pagpapalago ng mga pamilya at pamayanang Pilipino.

School Electrification Program

Habang maliwanag at maaliwalas ang ibang paaralan sa Pilipinas, may iilan ding nananatili sa dilim dahil sa kawalan ng serbisyo ng kuryente. Madalas ang mga paaralang ito ay nasa tuktok pa ng mga kabundukan o nasa mga isla kung saan hirap maabot ng kuryente mula sa power grid. Dahil dito, nagtitiyaga ang mga estudyante at mga guro sa mga silid-aralang maaaring walang maayos na bentilasyon. At dahil nga walang elektrisidad, pahirapan ang paggamit ng mga multimedia device tulad ng mga TV para sa educational videos o laptop para matuto ng computing skills.

Tumutugon ang OMF sa mga hamon na ito sa pamamagitan ng School Electrification Program. Sa tulong ng inisyatiba, nakakabitan ng solar photovoltaic (PV) systems ang mga benepisyaryo upang magkaroon ng suplay kuryente. Dahil dito, makagagamit na sila ng laptop, TV, printer at scanner upang mas madaling at maging mas interaktibo ang mga klase. Sa tulong naman ng internet, nakakapagsaliksik na rin ang mga estudyante sa kompyuter. Hindi na rin kailangan bumiyahe ng mga guro nang malayo sa mga lugar na may kuryente para lang mag-print ng mga activity sheet o mga pagsasanay. Dahil dito, mas marami nang oras ang mga guro na maigugugol sa paghanda ng mga bagong leksyon.

Noong 2023, sampung pampublikong paaralan ang naging bahagi ng School Electrification Program ng OMF. Kabilang dito ang Kboyong Elementary School sa T’boli, South Cotabato na may 134 na katutubong mag-aaral. Higit sa anim na oras ang tatahakin mula sa poblacion para lang maabot ang paaralan sa pamamagitan ng motorsiklo, dagdag pa ang mahabang lakaran. Ngayon, gamit ang mga educational video at internet mas napadadali ang pagsasaliksik ng mga mag-aaral gamit ang mga laptop na donasyon naman ng Lenovo Philippines.

Simula 2011, nalagyan na ng kuryente gamit ang solar ang 300 pampublikong paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa tulong ng partners ng OMF tulad ng DepEd at mga lokal na pamahalaan. Higit sa 91,000 estudyante at halos 3,000 guro na ang nakinabang sa proyektong ito.

Balik Eskwela

Handa na sa bagong taon ng pag-aaral ang mga estudyante gamit ang Balik Eskwela kits.

Taun-taon, sa pagbalik ng mga estudyante sa paaralan, inihahanda rin ng OMF at mga partner nito ang libu-libong batang mag-aaral sa mga piling pampublikong paaralan sa pamamagitan ng Balik Eskwela program. Nagtutulungan ang mga empleyado ng Meralco sa pamamagitan ng Meralco Employees Fund For Charity, Inc. o MEFCI kasama ang mga Meralco Business Center at mga Meralco subsidiary para matugunan ang pangangailangang bag at school supplies ng mga mag-aaral. Sa mga nagdaang taon, namigay din ang OMF ng Laging Handa disaster preparedness kits, Teacher Frontliner backpacks para sa mga guro noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, at ng Power Pack kits para hindi na kailangang bumili pa ng baunan ang kanilang mga magulang.

Noong 2023, mahigit 3,400 estudyante sa kindergarten ang nakatanggap ng sarili nilang Balik Eskwela kits na may kasamang backpack, school supplies, at hygiene kit. Higit 44,000 estudyante na ang nakinabang sa Balik Eskwela mula nang umpisahan ito noong 2014.

Bukod sa Balik Eskwela, suportado rin ng OMF ang taunang Brigada Eskwela ng DepEd na layong ihanda ang mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase.

Scholarships para sa kabataan at kababaihan

Sa pamamagitan ng scholarships, nakatutulong ang OMF na makapagtapos ng pag-aaral at lumawak ang kaalaman ng mga kabataang Pilipino para maging mahusay sa napiling propesyon.

Puhunan ang edukasyon para sa magandang kinabukasan, pero maraming pamilya ang walang sapat na kakayanang pinansyal para mapag-aral ang mga bata.

Isa sa mga sinusuportahan ng OMF ay mga kababaihang nagnanais magtrabaho sa industriya ng enerhiya. Sa pamamagitan ng “MpowHER” scholarship program, binibigyan ng scholarships sa electrical engineering ang mga kababaihan mula sa iba’t ibang partner schools tulad ng Batangas State University, University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, at Nueva Ecija University of Science and Technology. Mayroon ding technical vocational course tulad ng Electrical Installation and Maintenance and Mechatronics Servicing, isang National Certificate II (NCII) program, sa pakikipagtulungan sa Don Bosco College Canlubang sa Laguna. Ang mga nakapagtapos ng programa ay may pagkakataong makapagtrabaho sa Meralco. Simula noong 2022, may 67 babaeng scholars na ang naging bahagi ng programa. Ang ilan sa kanila ay nakapagtapos na ng pag-aaral at nagtatrabaho na rin sa Meralco.

Sinusuportahan din ng OMF ang pag-aaral ng ilang medical scholars sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Pasig at Ateneo School of Medicine and Public Health (ASMPH). Makalipas ang scholarship at pag-aaral ng mga ito ay inaasahan silang manilbihan sa iba’t ibang ospital at health centers sa Lungsod ng Pasig. Sinuportahan din ng OMF ang programang Gabay Guro para makapagtapos sa pag-aaral ng kursong edukasyon ang mga iskolar. Kamakailan lamang ay naglaan din ng isang educational grant fund ang OMF, kasama ang iba pang foundations sa ilalim ng MVP Group sa pakikipagtulungan sa Full Phils Association Inc., upang matulungang makapagtapos ng kolehiyo ang ilang overseas Filipino workers na domestic helpers sa Hong Kong sa pamamagitan ng online learning.

Kaisa ang OMF sa pangarap ng maraming Pilipino na malinang ang sarili sa pamamagitan ng kalidad na edukasyon. Sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito at sa pakikipagtulungan sa gobyerno, mga paaralan at unibersidad at maging mga empleyado ng Meralco, nabibigyang pagkakataon ang maraming kabataang Pilipino na makapag-aral at maging posible ang pangarap na mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.

483

Related posts

Leave a Comment