Operasyon ng PNP-PRO5 pinaigting TAX COLLECTOR NG CPP-NPA HULI SA ENTRAPMENT

HULI sa akto ang kolektor ng Rebolusyonaryong Buwis sa Kaaway na Uri (RBKU) at miyembro ng New People’s Army sa isinagawang entrapment operation ng PNP-PRO5 sa pangunguna ng Daet MPS, noong Miyerkoles ng hapon sa harap ng Golden Palace Restaurant, Zabala St., Purok 4, Brgy. IV, Daet, Camarines Norte.

Sa report na natanggap ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, kinilala ang revolutionary tax collector na si Edelyn Royo y Quierra, 37-anyos, dalaga, at residente sa Mabini St., Purok 2, Brgy. Kanluran, San Vicente, ng naturang probinsya.

Ayon kay Major Malou Calibaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, inaresto ang nasabing miyembro umano ng CPP-NPA matapos nitong tanggapin ang extortion money kapalit ang proteksyon ng rebeldeng grupo para sa isang negosyante sa nasabing lugar.

Nakuha mula kay ni Royo ang isang itim na belt bag na may tatak na CAT at naglalaman ng isang pirasong puting sobre na may lamang pera na nagkakahalaga ng P17,900.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Daet MPS para sa kaukulang disposisyon. Si Royo ay nahaharap sa ‘kasong robbery with violence against or intimidation of person’ na nakapaloob sa ilalim ng Art. 294 ng Revised Penal Code.

Pinuri ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, RD, PNP-PRO5, ang maagap na pagkilos ng pulisya upang tuldukan ang pangingikil at pananakot ng mga miyembro ng makakaliwang grupo.

“Kahit kailan hindi magiging makatarungan ang paghingi ng sapilitang buwis mula sa mga taong pinaghihirapan ang bawat sentimo sa kanilang bulsa. Ito ay paglalarawan ng pananamantala sa mga walang kalaban-laban para sa pansariling benepisyo ng mga grupong ito,” pahayag ni P/BGen. Estomo.

Kanya ring hinimok ang mamamayan na ‘wag mag-atubiling magsumbong sa himpilan ng pulisya upang matugunan ang mga katulad ng suliranin. (JESSE KABEL)

248

Related posts

Leave a Comment