25% LANG NG MAHIHIRAP ANG TARGET SA P29 KADA KILONG BIGAS SA KADIWA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TODO tanggol ang Department of Agriculture (DA) sa desisyon ng gobyerno na magbenta ng bigas sa P29 kada kilo sa mga Kadiwa outlet.

Sa kapakanan daw ito ng mahihirap.

Nasa yugto raw ito ng pagsubok na gagawin sa Hulyo, ayon kay Agriculture Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa.

Aminado si De Mesa na 25 porsyento ng mahihirap sa bansa ang makikinabang sa inisyal na arangkada.

Hindi naman pala lahat ng mahihirap ang mabibiyayaan nito kaya malamang na kahit magbibigay ito ng ginhawa sa ilan ay alburuto rin ang hatid nito sa hindi matutugunan.

Kakailanganin ang malaking subsidiya para maibenta ang bigas sa nabanggit na halaga, at babalikatin ng nasyonal at lokal na pamahalaan ang subsidiya.

Malaking halaga ang ilalabas ng pamahalaang nasyonal damay ang lokal para mapunan ang malaking agwat ng presyo ngayon sa merkado sa isinusulong na mababang kantidad sa Kadiwa.

Saka, bakit sa Kadiwa gayung hindi naman ganun karami ang mga outlet nito.

Unahan, balyahan at tiyagaan sa pila ang tiyak na makikita sa harap ng mga Kadiwa outlet.

Pero paano ‘yung ibang mahihirap na walang access sa mga outlet? Mamamasahe para makarating sa malayong lugar na kinaroroonan ng nagbebenta ng P29 kada kilo, at madismaya dahil naubusan.

Masusustinehan ang programa kung wala ring patid ang subsidiya, pero kahit siguro may balon ng datung ang nasyonal at lokal na pamahalaan ay matutuyuan din.

Malamang na panandalian lang ang P29 kada kilo ng bigas.

Sabi nga, nasa testing stage ito.

‘Bat naman susubukan kung alam naman na mahirap sustinehan.

Kung walang subsidiya, malabo pa sa sabaw ng pusit ika nga nila, na maibaba ang presyo ng bigas.

Mangangahulugan kasi ito ng mababang presyo ng palay na ang ending: lugi ang mga magsasaka.

O, ilarga na ‘yang P29 kada kilo ng bigas sa Kadiwa pero huwag pairalin ang lamangan.

Baka kasi ang itinakdang 5 kilo kada bumibili ay maging 2 kilo na lang. O baka naman may nakakadoble o may nirereserbahan.

Abangan natin.

Baka nga naman pasakalye ang P29 sa ibinabando ni Pangulong Marcos Jr. na nahanap na ang solusyon para maging abot-kaya na ang presyo ng bigas.

Hayan nga at aprubado na ng Kamara ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law.

Iyan din naman ang gusto ng gobyerno kaya abangan na rin kung sa pag-amyenda sa RTL ay makasiguro na ang mamamayang Pilipino ng tiyak na supply ng bigas na hindi masakit sa bulsa ang presyo.

Hirap nang umasa. Nadale at nadala na tayo ng pangakong P20 kada kilo.

Kaya kapit uli sa pag-asa na pansamantalang pampawi sa dusa.

42

Related posts

Leave a Comment