TUGON NINA GOV. HELEN TAN AT CONG. MIKE TAN SA PANAHON NG SAKUNA

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA kabila ng mga pagsubok na dala ng kalamidad, muling ipinakita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang diwa ng bayanihan at malasakit sa mamamayan ng Patnanungan.

Ang islang bayan na ito ay isa sa mga lubos na nasalanta ng Bagyong Aghon, na nagdulot ng pagkasira ng maraming tahanan at kabuhayan.

Ngunit sa gitna ng trahedya, naghatid ng pag-asa ang agaran na pagtungo ni Gov. Doktora Helen Tan sa lugar upang maghatid ng tulong mula sa pamahalaan.

Ang programang “Emergency Shelter Assistance” (ESA) na isinagawa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Treasurer’s Office (PTO) ay naging isang mahalagang hakbang upang maibsan ang hirap ng mga apektadong residente.

Ang 479 na benepisyaryo mula sa Poblacion area ng Patnanungan ay patunay na hindi pinababayaan ng pamahalaan ang mga nangangailangan. Higit pa rito, magpapatuloy ang payout sa malalayong mga barangay sa susunod na mga araw, na nagpapakita ng komprehensibong tugon sa krisis.

Ang mabilis na aksyon at pagtulong ng pamahalaang panlalawigan ay hindi lamang natatapos sa relief food packs mula sa tanggapan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kundi pati na rin sa plano ni Governor Tan na suportahan ang mga mangingisda at magsasaka. Ang pagbangon ng mga residente mula sa iniwang pinsala ng bagyo ay nangangailangan ng tulong sa kanilang mga pangunahing hanapbuhay, at dito lumalabas ang tunay na malasakit ng liderato ni Tan.

Bukod pa rito, ang pagbisita ni Governor Tan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan upang magbigay ng educational assistance ay nagpapakita ng kanyang pangako sa edukasyon.

Sa tulong ni Senator Imee Marcos, 2,263 na mag-aaral mula sa Lucban, Tayabas, at Lucena ang nabiyayaan ng tulong pinansyal para sa kanilang pag-aaral. Ang ganitong mga hakbang ay mahalaga upang matiyak na ang edukasyon, bilang susi sa magandang kinabukasan, ay abot-kamay ng bawat batang Quezonian.

Higit pa sa sakuna, ang programa ng Aid to Individual in Crisis Situation (AICS) na ipinamamahagi sa ika-apat na distrito ay nagpapakita ng komprehensibong paglingap ng pamahalaan sa mga nangangailangan.

Sa pamumuno ni Governor Tan, 1,628 benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan ang nabigyan ng tulong para sa edukasyon, medikal, burial, at iba pang pangangailangan.

Nakakatuwang din ng gobernadora sa bawat proyekto niya si Cong. Mike Tan.

Ang ganitong mga programa ng mga Tan ay hindi lamang naglalayong magbigay ng panandaliang tulong kundi pati na rin ng pangmatagalang pag-asa.

Nagpapakita ng tunay na diwa ng bayanihan at malasakit sa pamayanan. Ang pamahalaang panlalawigan, sa pamumuno ni Governor Tan, katuwang si Cong. Mike, ay patuloy na maglilingkod at maghahatid ng serbisyong nararapat para sa bawat Quezonian.

At sa kabila ng mga pagsubok, ang pagbangon ay nagiging posible sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pagtutulungan. Asahan natin ang patuloy na pagkalinga at paglilingkod ng pamahalaang panlalawigan sa apat na distrito ng Quezon.

39

Related posts

Leave a Comment