WELFARE MO, SAGOT KO

AKO OFW ni DR CHIE UMANDAP

MULI nating ilulunsad ang ating kolum na AKO OFW upang bigyan atensyon at aksyon ang mga sumbong at hinaing ng ating mga kabayaning OFW at kanilang pamilya.

Labis-labis ang aking pasasalamat sa ating Managing Editor Jocelyn Barlizo sa patuloy niyang pagtitiwala at pagsuporta sa sektor ng mga OFW sa pamamagitan ng paglalaan ng espasyo para sa ating AKO OFW.

Bilang buena mano ay ating bibigyang pansin ang sumbong at kahilingan ni OFW Jill Lagliba na nakarating sa Riyadh, Saudi Arabia sa pamamagitan ng PHILCANGO International Recruitment Agency nito lamang May 20, 2024.

Ayon kay OFW Lagliba ay “Noon May 28, 2024 ng umaga naaksidente po ako, nahulog po ako sa hagdan. Wala pa po aksyong ginagawa agency ko 5 days na po.”

“Hindi rin po ako binibigyan ng pagkain dito sa bahay ng amo. Last na pagbibigay ay noon pong Huwebes May 30, 2024. Nandito po ako sa 3rd floor, nahihirapan po akong bumaba. At wala pong sinasabi ang employer ko na pwede po akong kumuha ng pagkain. Ang pinangtatawid-gutom ko na lang po ay ‘yong tinapay na dala ko po galing sa Pinas malapit na rin pong maubos.”

“Nahihirapan na po ako kasi sobrang sakit po ng paa at balakang ko. May binigay naman po na gamot ang doktor pero hindi naman po tumatalab. Hindi na rin po ako makatrabaho kasi po hindi naman po ako makalakad. Hindi ko na po kasi kaya. Amo ko lang po nakipag-usap sa doktor at wala pong ipinakita sa akin na medical diagnosis. Hinang-hina na po ako, nahihilo at nanlalabo na po paningin ko.”

“Tulungan n’yo po akong makauwi na po sa Pilipinas sa piling ng aking pamilya. Salamat po.”

Ang sumbong na ito ni OFW Lagliba ay agad kong ipinarating kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na agad namang nangako na tutulungan si OFW Jil Lagliba.

Ang ating AKO OFW ay patuloy na makikipag-ugnayan sa mga ahensya ng ating pamahalaan upang masigurong ang kapakanan ng ating mga kabayaning OFW ay mabibigyan ng pansin lalo na ang sumbong na ito ni OFW Lagliba.

Pangako natin na ang “Welfare mo ay Sagot ko, dahil Bayani ka” dito sa ating pahayagang Saksi Ngayon.

Kung kayo ay may sumbong o hinaing na ibig ninyong bigyan ng pansin ay sumulat po lamang sa ating AKO OFW sa email address na akoofwpartylist@yahoo.com o sa saksi.ngayon@gmail.com

50

Related posts

Leave a Comment