3 TULFO SA SENADO?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

KAMAKAILAN ay inilabas ng Octa Research, sa pangunguna ni Dr. Guido David, ang Tugon Ng Bayan (TNB) survey sa pagka-senador.

Ayon sa Octa Research, kung gaganapin ngayon ang eleksyon na napipintong maganap sa Mayo 25, 2025, ang mga pumasok sa kanilang survey ang mga mananalo.

Batay sa survey, nangunguna pa rin si Cong. Erwin Tulfo ng ACT-CIS, sinundan ni dating senador Tito Sotto III, si Sen. Bong Go sa pangatlo, pumapang-apat naman ang broadcaster na si Ben Tulfo at panglima si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ang malaking sorpresa sa survey na ito ay ang pagpasok dito ng aking tiyuhin na si Ben Tulfo. Hindi sa nagulat tayo kung paanong nakapasok sa top 12 ang aking tyuhin, bagkus ang pagkamangha na malaki ang tiwala ng taumbayan sa mga Tulfo.

Kung magkataon na masunod ang nasabing survey, tatlo (3) sa mga Tulfo ang magiging magkakasama sa Senado.

Sa track record ng mga Tulfo, kanya-kanya naman nilang itinatag ang kanilang mga imahe, na inumpisahan ng aking ama na si Ramon Tulfo. Mula sa pagiging mediamen hanggang sa pagsasagawa serbisyo publiko. Ito marahil ang dahilan kung bakit matunog ang pangalan ng mga Tulfo sa masa dahil na rin sa kanilang mga tinanim.

Pasok din sa top 12 survey sina Panfilo Lacson, Sen. Bato Dela Rosa, Manny Pacquiao, Bong Revilla, Imee Marcos, Isko Moreno, Pia Cayetano, Francis Tolentino, Lito Lapid, Willie Ong at DILG Sec. Benhur Abalos sa ika-12 pwesto.

Ang nasabing survey ay isinagawa raw ng Octa Research noong March 11-14, 2024 sa 1,200 na babae at lalaking respondents.

57

Related posts

Leave a Comment