4 RECLAMATION PROJECTS SA MANILA BAY PINASUSPINDE

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TULUYAN nang pinasuspinde ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang apat na reclamation projects sa Manila Bay makaraang idulog ng ilang mga opisyal ng lalawigan ng Bulacan.

Kinakailangan na umanong bigyan nang sapat na engineering intervention ang nasabing mga proyekto para masigurong hindi ito makapeperwisyo sa nakararami.

Napag-alaman na sinabi ni PBBM na isinasailalim sa masusing pagsusuri ang apat na reclamation projects habang may isa naman ang itinuloy matapos ang kaukulang pagrerebisa.

Sa natanggap nating impormasyon, sinabi ng pangulo, marami silang nakitang mga problema gaya ng hindi magandang patakbo sa ginagawang proyekto kaya’t ipinasuspinde muna ang mga ito.

Aniya, dapat na maisaayos ang nakitang mga problema lalo’t maraming mga ilog ang mababarahan kung itutuloy ang mga proyekto.

Binanggit pa pangulo na parang mawawala at matatabunan na ang dagat sa Roxas Boulevard dahil sa reclamations.

Suportado naman nina Senador JV Ejercito at Cynthia Villar ang kautusan ng pangulo na suspendihin ang reclamation activities sa Manila Bay.

Kung suspension order lang ang kautusan ng pangulo, ito ay pansamantala lamang at pagkatapos nito ay muling itutuloy ang kanilang reclamation activities sa Manila Bay.

Kung magkagayon ay hindi mareresolba ang problema ng pagbaha sa NLEX San Simon, Pampanga.

Sa kasagsagan ng pag-ulan nitong nakaraang mga linggo ay idinulog sa PUNA ang pagbaha sa North Grove Subdivision sa Brgy. Sta. Monica, San Simon, Pampanga.

Ayon sa mga residente, dati nang binabaha ang kanilang subdibisyon subalit lalong lumaki ang kanilang problema nang umpisahan ang paggawa ng Phase 2 ng North Grove Subdivision na pinataas pa kumpara sa Phase 1 na ngayon ay patuloy na binabaha.

Pinangangambahan ng mga residente ng North Grove Subdivision na posibleng hindi na nila mapakinabangan ang kanilang mga unit dahil patuloy na binabaha ang kanilang lugar.

Maraming beses na nilang idinulog sa Northern Star Realty and Development Corporation ang kanilang problema na pagbaha subalit nananatiling binabalewala ng mga opisyal nito.

Ang North Grove Subd. ay katabi lamang ng San Simon Exit kung saan ay mataas ang tubig-baha nitong kasagsagan ng mga pag-ulan.

Sa ganang akin, kung makapeperwisyo ang reclamation projects na ito sa mga residente ng Bulacan at iba pang lugar, ay dapat tuluyan nang ipawalang bisa ang kontrata nito.

oOo

Para sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

102

Related posts

Leave a Comment