ACT-CIS CONG. TULFO TUTOK SA PAGPAPABUTI NG KALAGAYAN NG MGA LOKAL NA MAGSASAKA

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA kasalukuyang panahon, hindi maitatanggi ang hamon na kinahaharap ng ating lokal na mga magsasaka, partikular na ang nagtatanim ng mga sibuyas na tila ba paulit-ulit na lamang na pinagmamalabisan ng ilang mga negosyante.

Sa gitna ng ganitong suliranin, masusing binabantayan ng Kamara de Representantes ang kalagayan ng mga magsasakang ito lalo na si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo.

Nakarating sa Kamara ang mga hinaing ng mga magsasaka, na aniya’y paulit-ulit na inaabuso ng mga negosyante.

“Amin pong tinitingnan ngayon ang kalagayan ng ating mga lokal na magsasaka ng sibuyas, na tila patuloy na pinagsasamantalahan ng mga trader sa paghakot ng kanilang pananim sa ‘di makatarungang halaga,” pahayag ni Tulfo.

Dahil sa ganitong pangyayari, naniniwala si Tulfo na mahalaga ang puspusang pagbabantay upang matugunan ang pangangailangan ng lokal na mga magsasaka.

“Mukhang kailangan araw-arawin namin itong mga ito, dahil pawang pinapahupa lang nila ang issue at kapag tahimik na ay muli silang namamakyaw ng mga sibuyas na bagsak presyo, maaaring hino-hoard o tinatago at binebenta naman sa ‘di hamak na mataas na halaga sa merkado,” dagdag pa niya.

Sa ganitong kalakaran, hindi lamang ang lokal na mga magsasaka ang naaapektuhan kundi maging ang mga mamimili sa palengke.

“Ang kawawa po kasi dito bukod sa ating local farmers ay ang ating mga mamimili sa palengke, ang taong bayan, dahil sa taas ng presyo ng bilihin gaya ng sibuyas,” pahayag ni Tulfo.

Sa layuning mapababa ang presyo ng sibuyas at maprotektahan ang interes ng mga magsasaka at mamimili, sinabi ni Tulfo na pinag-aaralan din nila ang pagrekomenda ng importasyon ng sibuyas kung kinakailangan.

Sinasabing sa kabuuan, ipinapangako ni Tulfo na patuloy na gagampanan ng Kamara ang kanilang mandato na protektahan ang interes at kapakanan ng mga Pilipino, kabilang na ang lokal na mga magsasaka.

Kaya sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagbabantay at pagsusulong ng makabuluhang mga hakbang, inaasahan na magkakaroon ng positibong pagbabago sa kalagayan ng ating mga magsasaka at sa kabuuang kalakaran ng agrikultura sa bansa.

43

Related posts

Leave a Comment