AGAPAN ‘E-CIGARETTE EPIDEMIC’ SA KABATAAN

EDITORIAL

MARAMI ang nagkakasakit sa baga dahil sa vaping.

Ito ang nakaaalarmang pahayag ng isang health expert bunsod ng dumaraming kaso ng e-cigarette o vape-associated lung injury (EVALI), lalo ang mga kabataan.

Ayon kay Dr. Maricar Limpin, isang pulmonologist and Smoking Cessation Program director sa Philippine Heart Center, ang mga pasyente ay nagrereklamo na madaling mapagod at nahihirapang huminga kahit ang mga ito ay walang asthma, infection, o ubo.

Karamihan daw sa mga ito ay dating naninigarilyo at lumipat sa e-cigarette.

Sinabi ng eksperto na parehong nakapipinsala ang vaping at paninigarilyo.

Naniniwala si Limpin na hindi pa huli sa mga tao na huminto ng vaping o paninigarilyo.

Hindi rin daw totoo na lalong magkakasakit ‘pag huminto ng paninigarilyo.

Paliwanag niya, ang paglabas ng mga plema kapag ang tao ay tumigil na ay magandang senyal na nagiging normal na ang respiratory airways, na nasira ng vaping at smoking.

Nanawagan ang doktor sa Department of Trade and Industry (DTI) ng mahigpit na mga regulasyon sa e-cigarettes at vapes, lalo na sa mga minor at kabataan. Hiniling din niya sa mga gumagawa ng polisiya na bigyan ng regulatory powers sa vapes ang Department of Health (DOH).

Nauna nang sinabi ni Dr. Tony Leachon na ang maluwag na regulasyon at pag-aakalang ligtas ang vape kaysa paninigarilyo ang nagpasikat sa e-cigarettes o vapes kaya marami ang nahalina.

Base sa 2019 Global Youth Tobacco Survey, 14.1 porsyento ng mga estudyanteng Pilipino na edad 13 hanggang 15 ay gumagamit ng electronic cigarettes.

Sa datos mula sa Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) ay nagpakita na noong 2022 ay 4.2 percent ng adolescents edad 10 hanggang 19 ay naninigarilyo.

Ang paggamit ng nakasasamang substance ng mga kabataan ay seryosong banta sa kalusugan ng publiko.

Kailangan ang madalian at mas mabuting polisiya para maprotektahan ang mga kabataan sa masamang epekto ng vape. Kabilang sa mga hakbang na pwedeng gawin ay itaas ang buwis, restriksyon sa pagkuha at mga patalastas.

Noong 2022, ang “Vape Bill” o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act (Republic Act No. 11900) ay nag-lapse into law na kinontra ng DOH dahil taliwas sa public health goals.

Sa ilalim ng batas, ang age restriction para sa nasabing mga produkto ay ibinaba sa 18 taong gulang mula sa 21 anyos. Pinahintulutan din ang flavorings, advertising, at sponsorship strategies. Mula FDA, ang regulasyon ng produkto ay inilipat sa DTI.

Ang panawagan ngayon sa pamahalaan ay gumawa ng matatag at matibay na aksyon sa gitna ng ‘e-cigarette epidemic’ sa mga kabataan.

32

Related posts

Leave a Comment