‘SERBISYONG TATAK AMANTE AT TARRIELA’

TARGET ni KA REX CAYANONG

NAPAKALAKING hakbang ang ginawa ni Congressman Loreto “Amben” S. Amante, kasama ang suporta ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at DSWD Laguna SWAD Team, matapos magkaloob ng tulong pinansyal sa 1,007 benepisyaryo mula sa Ikatlong Distrito ng Laguna.

Ang nasabing assistance, na ipinamahagi sa San Pablo City Central School Gymnasium kamakailan ay naglalayong magbigay-ginhawa sa mga indibidwal na nasa krisis na sitwasyon.

Hindi lamang ito ang kanyang naging accomplishments.

Sa kanyang pangunguna bilang Vice Chairman ng Committee on Senior Citizens at bilang miyembro ng Committee on Appropriations, aprubado na sa Committee on Appropriations ang budget para sa panukalang batas na magkakaloob ng Universal Pension sa lahat ng senior citizens.

Sa tulong ng kanyang panukala, inaasahang makatatanggap ang lahat ng hindi sakop ng kasalukuyang social pension.

Pagkaraan ng limang taon, ito ay tataas sa P1000, na kapantay ng benepisyong natatanggap ng mga kasalukuyang benepisyaryo.

Ang alokasyon na ito, na umaabot sa P89 bilyon, ay patunay sa dedikasyon ni Cong. Amben sa pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng ating senior citizens.

Sa kanyang liderato at pagiging co-author ng panukalang batas hinggil dito, nagpapakita siya ng patuloy na pagtitiwala at pagsuporta sa kapakanan ng ating mga nakatatanda.

Samantala, nakikiisa si Cong. Odie F. Tarriela, sa pagsisikap ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang mapabilis ang pag-unlad ng Batangas-Mindoro Interconnection Project.

Sa pangunguna ni NGCP President and CEO Anthony Almeda, kasama ang iba pang opisyal ng kumpanya, tinalakay ni Cong. Tarriela ang kasalukuyang kalagayan ng proyekto.

Ayon sa NGCP, dahil sa inaasahang pagtaas ng demand sa susunod na mga taon, itinaas na nila ang antas ng linya mula sa 230KV patungo sa 500KV. Ito ay isang malaking hakbang upang masiguro ang sapat na supply ng kuryente sa Mindoro.

Kasalukuyan nang nasa pre construction stage ang proyekto at ang proseso ng Right-of-Way acquisition ay maayos na inaasikaso.

Dagdag pa rito, ang suporta ni Cong. Tarriela ay maglalayong mapadali ang koordinasyon ng NGCP sa mga lokal na pamahalaan na apektado ng proyekto.

Nagpapasalamat naman si Cong. Tarriela sa NGCP sa kanilang patuloy na dedikasyon sa pagpapabuti ng imprastruktura ng kuryente sa bansa.

“Sa sama-sama nating pagtutulungan, tiyak nating makakamit ang mas maayos at epektibong serbisyo sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng masipag na kongresista.

26

Related posts

Leave a Comment