AHUNIN SILA SA UTANG

MARANGAL na propesyon ang pagtuturo sapagkat nagbibigay ito ng kaalaman sa mga estudyante, at gabay at inspirasyon upang magsikap ang mga tinuturuan na abutin ang malaking tagumpay at karangalan.

Ngunit ang mga nasa pundasyon ng pagtuturo ay nabubuhay lang sa karangalan ng propesyon, hindi sa ginhawang naibalik sa kanila sa pagtupad ng tungkulin.

Halos kalahati ng public school teachers ang mayroong malaking utang sa GSIS at iba pang financial at lending institution bunsod ng kawalan ng batas na nagtataguyod sa kanilang kapakanan.

Ipinabatid ito ni Vladimir Queta, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa gitna na rin ng pag-amyenda sa Republic Act 4670 o Magna Carta for Public School Teachers para sa proteksyon at kapakanan ng mga pampublikong guro.

Aniya, kawawa rin ang maraming public school teachers dahil kinakasuhan na ang mga ito sa Professional Regulation Commission (PRC), at nais ng mga bangko na ipatanggal pa ang kanilang lisensya.

Masakit ito sa kaguruan kaya napapanahon na ang pagbabago sa nasabing batas.

Paano masisigurong itataas ang sweldo kung ang ginagawa ng mga nasa poder ay puro lang repaso hanggang sa ito ay mapaso.

Bakit kasi inuna ang confidential funds, hindi ang dagdag-sweldo at benepisyo ng mga guro.

Wala silang sick leave? Kung magkakasakit, malamang malaki ang bawas sa sweldo lalo pa walang service credits. Malamang na damay rin ang PVP at bonus. Ang PVP ay bayad sa mga guro tuwing school breaks at mga araw ng Christmas vacation na kinukwenta na proporsyon sa bilang ng araw na sila ay nagsilbi sa school year.

Paano pagkakasyahin ng mga guro ang sweldo sa taas ng bilihin at ibang gastusin tulad ng pagpapaaral? Natural, uutang. Ang ibang guro ay nakakahinga lang sa utang kapag nakatapos ng pag-aaral ang mga anak, o kapag nagretiro na – na dami ring bawas. Ika nga, kahit kaunti natira sa retirement, basta nakasubi na sa problema at mga UTANG.

Ipinapakita ng mga guro ang matatag na pangako dahil sa kanilang responsibilidad na arugain ang kinabukasan ng mga estudyante at ng bansa.

Saka lang ba mararamdaman ng mga guro na marangal ang kanilang propesyon kung pinupuri na sila kapag nagtagumpay ang kanilang mga estudyante?

108

Related posts

Leave a Comment