Alamat ni Manny Pacquiao (Ika-3 Bahagi) LABANG NAGDALA KAY MANNY SA RUROK NG TAGUMPAY

Ni EDDIE ALINEA

TATLONG taon matapos mag-debut bilang mandirigma sa ibabaw ng ring, hinubdan ni Emmanuel “Manny ” Pacquiao si Chathai Sasakul ng Thailand ng korona sa WBC flyweight sa pamamagitan ng walong round na pagpapatulog para sa kanyang unang titulong pandaigdig.

Ang panalong ito kay Sasakul ang nagsilbing hudyat sa mahigit isang dekadang kampanya ng ngayon ay senador nang si Pacquiao para maging kaisa-isang boksingero sa kasaysayan ng sweet science na umangkin sa ‘di kukulangin sa 12 korona sa walong dibisyon ng boksing.

Subalit kung gaano kabilis nakamit ni Manny ang kanyang unang major world title, ganoon din kabilis itong nawala sa kanya. Nabawi ng kababayan ni Sasakul na si Medgoen Singsurat ang korona sa pamamagitan ng tatlong round na KO sa pangalawang pagtatangka ni Manny na maipagtanggol ito.

Sa totoo lang, humulagpos na ang pandaigdig na sinturon ng 112 librang dibisyon sa kamay ni Manny isang araw bago sumapit ang pagtutuos sa opisyal na pagtitimbang, nang lumampas sa takdang timbang ang ating idolo.

Pero naging kasabihan na, si Manny Pacquiao ay hindi si Manny Pacquiao kung hindi siya makababangon sa kanyang ­kinadapaan. Tatlong taon ­matapos ang mapait na karanasang iyon, ang ating ­Pambansang Kamao na noon ay nasa ilalim na ng pamamahala ni Hall of Fame trainer Freddie Roach ay nakabalikwas at ­nakabalik sa dapat niyang kalagyan.

Hunyo 23, 2001 ang tubong Kibawe, Bukidnon na si Pacquiao ay sinorpresa ang libo-libong nanood sa MGM Grand sa Las Vegas at milyon-milyon pang nasa kani-kanilang tahanan nang pabagsakin niya ang Aprikanong si Lehlohonolo Ledwaba sa ika-anim na round para mapasa-kamay niya ang korona sa IBF super-bantamweitght (122-libra).

Dinomina ng noon ay 23-anyos na si Manny ang paboritong manalo na Aprikano mula sa unang tunog pa lamang ng kampana. Duguan ang ilong at mukha ni Ledwaba nang matapos ang unang round.

Pinaluhod ni Manny si Ledwaba sa lona sa pangalawang round, pangatlo at pang-apat habang ang mga nanonood sa MGM ay nagbubunyi hanggang mamagitan ang reperi para pahintuin ang ­masaker at maiwasan ang ­mabigat na ­pinsalang ­maaaring mangyari sa talunang dating kampeon.

“Ito ay isang pangarap na natupad. Ang layon ko ay ­maging kampeon muli at talagang ibinuhos ko ang lahat sa ensayo pa lamang. Salamat sa Panginoon at nagkatutuo ang pangarap ko,” bigkas ni Pacquiao makaraan ang pinaigsing laban.

Sumampa si Manny sa ring bilang pamalit sa ‘di makararating noon na challenger ni Ledwaba sa rekomendasyon mismo ni Roach dalawang linggo bago ang natakdang paghaharap.

Matagumpay na naipagtanggol ng ating kababayan ang 122-librang kampeonato subalit higit dito, ang kanyang kabayanihan sa mga susunod pang laban ang nagsilbing hagdanan niya sa pagiging bayani ng sambayanang Pilipino at ng buong daigdig ng boksing.

Sumunod na siyam na taon, namalas ng sandaigdigan ang pag-angat ni Manny mula junior flyweight (106 libra) hanggang flyweight, super-bantam (122-libra), featherweight (126 libra), super-featherweight (130 libra), lightweight (135 libra), junior-welterweight (140 libra), welterweight (147 libra) at super-welterweight (154 libra).

Sa madaling salita, nang masungkit niya ang kampeonato sa 154 librang dibisyon, umakyat si Manny ng 48 libra mula nang magsimula siya sa kanyang pro-career noong 1995, hanggang nilampaso niya si Ricky Hatton sa loob lamang ng napaka-igsing dalawang rounds noong Mayo 2, 2009 sa MGM Grand sa Las Vegas.

92

Related posts

Leave a Comment