P100 MILYONG ILEGAL NA MGA PRODUKTO

HINDI ko alam kung talagang mahigpit na ipinatutupad ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Cost Guard (PCG) ang mga batas at patakaran ng pamahalaan upang hindi makapasok sa ating bansa ang mga produktong ilegal.

Alam na alam naman ng mga opisyal at kawani ng BOC at PCG na trabaho, tungkulin at obligasyon nila ang maging mahigpit laban sa mga gawain at transaksiyon ng mga balasubas at mandurugas na kapitalista.

Sana tapat sila sa kanilang sinumpaang trabaho, tungkulin at obligasyon.

Napakaganda kung tapat ang BOC at PCG dahil milyun-milyong halaga ng mga ilegal na produkto ang kanilang makukumpiska mula sa mga balusabas at mandurugas na negosyante.

Katulad na lamang ng ibinalita kamakalawa ng BOC tungkol sa P100 milyong halaga ng mga ilegal na mga produktong nakatago sa Tondo, Maynila.

Ayon sa BOC, nakakumpiska ito, aktuwang ang ibang ahensiya, ng mga gamot, face masks at sabon na P100 milyon ang kabuuang halaga.

Natunton ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng BOC – Intelligence and Investigation Service (IIS), PCG at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga produktong ilegal sa isang bodega sa Tondo, Maynila noong Enero 25.

Ayon sa BOC, walang kaukulang mga dokumento ang nasabing mga produkto na nagsasabing rehistrado at aprubado ang mga ito ng Food and Drug Administration (FDA).

Pokaragat na ‘yan!.

Ibig sabihin, mga produktong ilegal.

Naganap ito dahil ayaw magbayad ng buwis sa pamahalaan ang pangkat ng mga negosyanteng may-ari ng nasabing mga produkto, kaya kahit iligal ay ilalarga nila.

Syempre, kapag hindi sila nagbayad ng buwis ay higit na malaki ang tubo nila.

Iyan lamang ang tanging dahilan kung bakit ilegal ang negosyo ng pangkat ng mga negosyanteng nagpasok sa ating bansa ng mga iligal na produktong gamot, face masks at sabon.

Pero, syempre itinago muna nila sa kanilang bodega sa Tondo bago pakawalan sa merkado ang kanilang mga produkto.

Sa kalaunan ay magiging pera ang mga gamot, face masks at sabon makaraang maipasa nila ang mga produktong ito sa mga nagtitinda ng gamot.

Pwedeng pasahan nila ang mga botika sa Bambang sa Maynila at iba pang botika.

Ang pagbili ng pangkat ng mga negosyante ng nasabing mga gamot, face masks at sabon hanggang sa pagtago nila ng mga ito sa kanilang bodega sa Tondo hanggang ipasa sa mga botika hanggang makabalik sa kanilang ang pera ay malinaw na proseso ng paglalaba ng maruming pera, o “money laundering”, kung tawagin sa ingles.

Ang paglalaba ng maruming pera ay isa sa mga paraan upang maging legal ang pera ng mga negosyante.

Isa sa mga malaking problema ng Pilipinas ang money laundering.

Ang mga ismagler, gambling lords at mga kasapakat nila, drug lords at iba pa ay pasok sa money laundering.

Ngunit, malaking suliranin din ng napakaraming bansa ang paglalaba ng maruming pera.

Ayon sa librong “The Laundrymen” na isinulat ni Jeffrey Robinson, ikatlo ang paglalaba ng maruming pera sa nangungunang negosyo sa buong daigidig.

Noong 1990s, mula $200 bilyon hanggang $500 bilyon ang umiikot na ilegal at maruming pera sa buong daigdig bawat taon.

Pihabong nalampasan na ngayong 2021 ang $500 bilyon mula noon.

Idiniin ni Robinson hindi lamang mga negosyanteng nabubuhay sa mga ilegal na negosyo tulad ng droga, sugal at ismagling ang gumagawa at tumatangkilik sa money laundering, kundi maging mga lehitimong mga negosyante, kabilang na ang mga may-ari ng malalaking korporasyon.

Maging mga politiko at opisyal ng pamahalaan ay kinikilig din sa paglalaba ng maruming pera.

Ang layunin nila ay umiwas sa buwis upang magkamal ng pinakamalaking kita sa kanilang negosyo.

Kaya, sa kaso ng P100 ­milyong halaga ng mga produkto ay nararapat lamang na hagilapin ng mga opisyal ng BOC, NBI at PCG ang mga negosyanteng nagpasok ng ilgal na P100 miyong halaga ng mga gamot, face masks at gamot.

Sampahan sila ng mga kasong economic sabotage, tax evasion, paglabag sa Anti – Money ­Laundering Law, Customs ­Modernization Act at iba upang kahit naman pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa kanila ay matikman nila kahit sobrang ­yayaman nila.

71

Related posts

Leave a Comment