MAY krisis ngayon sa Iran bunga nang pagkamatay ng kanilang opisyal ng militar dahil sa pambobomba ng Amerika kaya’t kailangan nating maging matatag dahil posibleng madamay tayo rito.
Namatay sa ginawang airstrike ng Amerika noong Enero 3 si Iranian top commander Qassem Soleimani, itinuturing na ika-2 pinakamataas na lider sa Iran, kaya naman nagbanta ang Iran na gaganti sila sa Amerika at posible ang kanilang atakehin ay ang Iraq na kilalang kaalyado ng Amerika.
Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kung lalala ang sigalot sa pagitan ng Amerika at Iran aabot ng 1.2 milyong Pinoy workers ang maaapektuhan sa Middle East.
Pag sinabing Middle East ay kasama riyan ang Iraq, Saudi Arabia at Kuwait na kilalang mga kaalyado ng Estados Unidos.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) nasa 1,190 ang documented workers sa Iraq at 800 dito ang nakatira sa Baghdad na pinuntirya ng airstrike ng Amerika kung saan namatay si Soleimani.
Matagal nang may iringan ang Amerika at Iran kaya maraming naniniwala na totohanin ng Iran ang kanilang pagganti kay Uncle Sam.
Pero gayon pa man ay naniniwala ang PUNA na hindi tayo masyadong maaapektuhan ng kanilang away.
Tiniyak ni Pangulong Ro_drigo Duterte na maraming trabaho at tulong pinansyal ang nag-aantay sa ating mga kababayang OFWs kung sakaling umuwi sila sa bansa dahil boom ang konstruksyon sa bansa at marami pang trabaho ang nalilikha dahil sa patuloy na pag-angat ng Pilipinas.
Ang pinakamahalaga lamang sa ating mga Pinoy ay magkaisa tayo para tuloy-tuloy na ang pag-angat ng ating Inang Bayan.
Lahat ng mabigat na suliranin, magiging magaan kung lahat ng mga Pinoy ay magtutulungan.
Hindi maglalaon ay aangat din tayo. Kailangan lang natin ng disiplina, kooperasyon sa gobyerno at malasakit sa kapwa.
Isang buhay na halimbawa ang bansang Japan kahit na sila ay dumaan sa matinding krisis tulad ng pagtama sa kanila ng tsunami ay mabilis silang nakarekober dahil sa kanilang pagtutulungan.
Madali nilang narersolba ang kanilang mga pinagdaanan na krisis dahil sa pagkakaisa.
Kailan pa tayo kikilos? Hindi pa huli ang lahat.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com//operarioj45@gmail.com. (PUNA / Joel Amongo)
128