ANG KAUGALIANG PINOY NA KINAGIGILIWAN NG IBANG LAHI

At Your Service Ni Ka Francis

ANO nga ba ang Kaugaliang Pinoy na kadalasang ‘yan ang nagugustuhan sa atin ng ibang lahi?

Ang kakaibang kaugalian ng mga Pilipino na kinagigiliwan ng ibang lahi sa buong mundo ay ang pagiging malinis, maalalahanin, mapagmahal sa kahit anong lahi, matiisin at mapagmahal sa pamilya.

Isa sa mga bansang kumikilala sa kagandahang ugali ng mga Pilipino ay ang United Arab Emirates (UAE) partikular ang Dubai City na kung saan kadalasan ipinakikita sa pamamagitan ng ilaw ang Philippine Flag sa pinakamataas na gusaling Burj Khalifa.

Ang paglalagay ng Philippine Flag sa Burj Khalifa Building sa Dubai City ay nagpapakita ng pagkilala sa magagandang naiaambag ng mga Pinoy sa nasabing lugar.

Sa katunayan sa Dubai City ay makikitang napakaraming mga Arabo ang marunong magsalita ng tagalog na pambansang lenggwahe ng Pilipinas.

Kinagigiliwan din ang mga Kaugaliang Pinoy sa mga bansang tulad ng Japan, Israel, Saudi Arabia, Amerika, Asya, Africa at maging sa Europe.

Kadalasan ang kinukuhang manggagawang domestic helpers, construction workers, nurses, at iba pang professionals ay ang lahi ni Juan dela Cruz na nagmula sa Malayong Silangan (Far East).

Nagugustuhan ng ibang lahi ang iba’t ibang mga manggagawa mula sa Pilipinas dahil sa pagiging malinis, pulido, mapagmahal, maawain sa kahit na hindi niya kamag-anak, kung ikukumpara sa ibang lahi sa buong mundo.

Mababa rin ang loob at matiisin ang mga Pilipino na kahit anong pang-aapi sa kanya ng amo sa ibang bansa ay napagtitiisan niya ito para sa kanyang pamilya na iniwan sa Pilipinas.

Isa rin sa nagustuhan ng mga dayuhan ang pagiging maasikaso ng mga Pilipino sa kanilang bisita kilala niya man ito o hindi, basta dumalaw sa kanyang tahanan ay aasikasuhin niya ito.

Ang mga kaugaliang ito ay nagpapakita na ang mga Pilipino ay may paniniwala at pagmamahal sa Panginoon.

Kaya saang bansa man siya mapadpad ay dala-dala niya ang kaugaliang ito.

Ang lahi ni Juan dela Cruz ay kilala rin bilang isang tao na masayahin sa buong mundo na kahit anong bigat ng kanyang dinadalang problema ay nagagawa pa nitong ngumiti sa camera.

Kaya ring dalhin ng mga Pilipino ang kanyang sarili saan man siya dalhin at kahit anong trabaho ang ipagawa sa kanya.

Ito rin ang lahi ng mga tao na madaling natututo sa anomang bagay na ipinagagawa sa kanya at madali rin makapag-adjust sa ibang lahi na nakasasalamuha niya.

Ang kakaibang kaugaliang ito ng mga Pilipino ang dahilan kaya maraming trabaho ang binubuksan sa ibang bansa para sa ating lahi.

Dahil din sa ating pagiging maawain sa ating kapwa, ang Pilipinas lang ang nag-iisang bansa sa Asya ang tumanggap ng libu-libong Israelites refugees noong panahon ng Adolf Hitler persecution sa kanila, na ikinamatay ng anim na milyong (6M) Hudyo.

Ang kaugalian ding ito ng mga Pilipino ay kanilang nagiging armas para sila maging matagumpay sa kanilang mga karera sa ibang bansa na kanilang pinupuntahan.

Mabuhay ang Pilipinas. Mabuhay ang mga Pilipino at Pagpalain po tayo ng Poong May Kapal!

50

Related posts

Leave a Comment