ANG TAKOT SA DIYOS

FOR THE FLAG

Nakapanlulumo ang naganap sa Sri Lanka. Higit 300 namatay dahil sa maling paniniwala ng iilan. May solusyong panlaban sa ideyolohiyang pilit ipinapalaga­nap ng mga terorista: ang takot sa Diyos.

Ang isang bansang walang takot sa Diyos ay nahaharap sa kapanglawan. Anumang talino ay hindi matatawag na kata­linuhan bagkus ay pawang kapalaluan lamang kung hindi nag-uugat sa takot sa Diyos.

Lubhang napakahalagang pag-aralan ang takot sa Diyos dahil dito umuusbong ang totoong kata­linuhan at kaalaman.

Napakaraming batas ng Pilipinas at patuloy na lumilikha pa tayo ng napakarami pang batas ngunit paulit-ulit na lamang na ang mga dati nang suliranin natin sa pamayanan ay nagaganap sa ating kalagitnaan. Kaya may mga religious observer na naniniwalang ginamit si Pangulong Duterte upang maging isang Nebuchadnezzar na siyang gigising sa takot sa mga Filipino upang magsipagtino.

Oras-oras ay may pinapaslang sa ating kalagitnaan na kagagawan ng mga “riding-in-tandem assassins.”

Marami ang pinapatay sa ngalan ng relihiyon. Ang terorismo katulad ng kaganapan sa Sri Lanka na halimaw na nilikha ng dahas at pagpatay sa mga taong iba ang paniniwala ay kumikitil ng libu-libong buhay sa buong daigdig. Sa Pilipinas mismo ay nakarating na ang mga te­rorismo na naghahasik ng lagim sa mundo, at ayon sa mga ulat ay sa Minda­nao pa mismo nagte-training ang mga gumagawa ng bomba upang gamitin sa terorismo.

Ginagamit ang ngalan ng Diyos sa pagpatay, ang pangangailangan sa langis ay ginagamit upang yurakan ang karapatan ng mga tao sa kanilang sari­ling bansa, may bansang humihingi ng pagkilala ay gumagamit ng mga missile na pampuksa ng kapwa-bansa, pinapatay ang mga tribo dahil sa yaman ng kanilang lupain. Nabibilaukan na ang lupa sa walang katapusang pagdanak ng dugo. Kapag ineksamin natin ang mga paggalaw na ito lumalabas na may edukasyon naman ang mga taong nasa likod ng mga pagpatay. Kung gayon, hindi pala edukasyon ang susi, kundi sa katotohanan, ang takot sa Diyos.

Sa ating bansa mas nananaig ang kalakaran kaysa takot sa Diyos, animo’y hindi sila nakikita sa kanilang pinaggagagawa. Hindi nga ba? Ilang taong nakilala natin sa lipunan ang lubos na nagpayaman sa sakripisyo ng kapwa ngunit nasa lupa pa sila ay siningil na sila ng Diyos, hindi nila napakinabangan ang ka­yamanang inangkin nila sa pamamagitan ng pandaraya at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Ang takot sa Diyos ang susi para sa isang maayos na bansa, isang kaaralan na dapat matutunan ng mga Filipino at maisalin sa mga susunod pa na mga henerasyon ng Filipino, upang maisaayos ang ating bansang matagal-tagal na ring pinagdamutan ng panahon. (For the Flag /  ED CORDEVILLA)

78

Related posts

Leave a Comment