ANONG KALOKOHAN ITO?

PARANG wala sa timing ang pagpapatupad ng Land Transportation Office (LTO) sa Republic Act 11229 o ang “Child Safety in Motor Vehicles Act” na nag-oobliga sa mga motorista na maglagay ng special seat sa loob ng pribadong sasakyan para sa mga batang edad 12 pababa.

Tinawag na child restraint systems (CRS) ang special car seats para sa batang pasahero ng kanilang magulang at kaanak na nakapaloob sa nasabing batas na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019 pa.

Ang tagal gumawa ng ­Implementing Rules and ­Regulation (IRR)? Sabagay hindi na bago yan. Gawa ng gawa ng batas ang ­Kongreso, ginagastusan mula sa buwis ng taumbayan ang Kongreso sa paggawa ng batas pero ­pagdating sa mga ahensya ng gobyerno, hindi agad naipapatupad kahit matagal nang pirmado.

Balik tayo sa CRS. Mauunawaan ko na yung sanggol at mga paslit na makukulit kahit sa loob ng sasakyan ay kailangang magkaroon ng special seat. Ginagastusan talaga yan ng mga magulang dahil ayaw nilang madisgrasya ang mga anak nila sa loob ng sasakyan.

Kahit ako ayaw ko ring ­pinapasakay sa front seat ang anak ko dahil ang likot ng mga kamay. Kung ano anong kinalalikot kaya ­nadi-distract ka sa pagmamaneho kaya laging sa likod sila para safe.

Pero dito sa bagong batas na ito, Luma na pala dahil 2019 pa at ngayon lang naisipang iimplementa. Parang ang labo. Pati 12 years old pababa kailangang may sariling car seat?

Hindi kaya overkill naman yan dahil ang mga bata ngayon masyado na silang matatangkad at ­malalaki na at hindi na nila kailangan ang special car seat? Yung mga paslit lalo na ang mga sanggol kailangan talaga pero yung mga bata lalo na ang 12 yrs old? Sino ba ang nag-isip niyan? Yan ba talaga ang original na nakasulat sa batas o produkto lang yan ng IRR?

Oo nga pala, malimit na nababago ang batas na ipinasa ng ­Kongreso kapag gumawa na ng IRR ang ahensyang mag-iimplementa sa batas kaya maraming mambabatas ang nagsasabi na parang nababastos sila.

Saka anong garantiya na maipapatupad ang batas na ito eh sisimulan nyo na ipatupad pero hindi muna inuna ang isyu ng mga tinted ng sasakyan para makita nyo ang mga tao sa loob.

Anong gagawin nyo, isa-isa nyong bubuksan ang mga ­sasakyan para tingnan kung may 12 years old na bata na sakay sa pribadong sasakyan samantalang sa mga school bus at mga pampasaherong sasakyan na mas maraming batang sakay ay exempted muna? Anong kalokohan yan?

Yung nga batas na nagbabawal sa mga driver na gumamit ng cellphone habang nagmamaneho hindi niya maipatupad eh.

Saka dapat ba talagang ­isingit ang bagay na iyan ngayong panahon ng pandemya? Hindi ba puwedeng ipagpaliban muna lalo na’t naghihirap pa ang mga tao dahil marami ang nawalan ng ­trabaho o nabawasan ang kita dahil sa covid-19 na dinala ng China?

Alam nyo ba kung magkano ang car seat ng mga sanggol? ­Hindi bababa sa isang libo ang halaga. Eh di mas mahal kapag mas matanda na ang bibilhan mo ng special car seat? Dagdag gastos yan.

Eh baka lalong mas magmamahal ang presyo ng mga yan dahil mas nauna na kayong nag anunsyo na ipapatupad nyo na ang batas na ‘yan bago nyo ­kausapin ang mga suppliers na huwag magsamantala o kaya nagpatupad muna sana kayo ng price freeze sa mga produktong yan.

Parang hindi na kayo natuto na kung anong usong produkto ay biglang nagtataasan ang presyo kaya papaano nyo pipigilan ang mga suppliers na huwag magtaas ng presyo? Pagsasabihan lang at pagbabantaan na kakasuhan? Hindi na yan ubra. Umayos nga kayo!

54

Related posts

Leave a Comment