AUCTION NG BALIKBAYAN BOXES, PARAAN LANG PARA MAILABAS SA CUSTOMS

RAPIDO NI TULFO

NAIINTINDIHAN ko ang sentimyento ng mga kababayan nating OFWs (overseas Filipino workers) sa nangyaring panloloko sa kanila ng mga cargo company na nag-abandona ng kanilang mga balikbayan box.

Karamihan sa mga balikbayan box ay mahigit 1 o 2 taon nang nawawala at patuloy na hinahanap ng mga nagpadala at pamilyang nakaabang dito.

Dahil nga sa ating pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs ay natunton ang mga balikbayan box na ito na kasalukuyang nakatengga sa kanilang port. Habang ang iba naman ay natunton nating hawak ng mga private trucking company matapos abandonahin ng deconsolidators at hindi idineliber ang mga kahon.

Pero kasabay ng ngitngit ng mga OFW sa pagkaka-abandona sa kanilang mga kahon, ay ang pagkainip ng mga ito na mailabas na mula sa BOC ang kanilang mga bagahe.

Ipinapaliwanag natin sa ating mga kababayan na ang pag-o-auction at donation lang ang paraan para mailabas ang mga container ng balikbayan boxes sa Customs.

Ang pag-o-auction ay ang proseso upang ibigay sa isang deconsolidator ang mga container na may kaukulang halaga o bayad. Tanging ang mga nakarehistro lamang sa Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ng Department of Trade and Industry (DTI) ang maaaring sumali.

Iniisip ng mga kababayan natin na kapag na-auction ang kanilang mga kahon ay binili na ito ng bidder at tuluyan nang maglalaho ang kanilang mga kahon.

Pero ito ay proseso lamang para mailabas sa Customs ang mga container pero nakabantay pa rin ang mga ito sa mananalong bidder upang matiyak na ang mga balikbayan box ay maide-deliver o makararating sa mga tunay na may-ari nito.

Pero dahil nga sa binili ng deconsolidator ang mga container sa Customs ay ‘di maiiwasang maningil sila ng bayad sa delivery.

Kawawa lang din talaga ang mga OFW dahil sa kagagawan ng mga cargo company sa ibang bansa na nag-abandona ng mga balikbayan box, na siyang hindi nagbayad upang mailabas sa Customs at mai-deliver ang mga kahon.

Sa huli, biktima ang mga OFW at mga lokal na cargo company na dapat ay sasalo ng mga container, dahil bukod sa lugi sila ay sila rin ang manganganib na makasuhan kahit hindi nila ito kasalanan.

Napakaraming cargo company dito sa bansa ang nagsara na dahil lugi matapos bayaran ang mga dapat bayaran upang mailabas ang mga container na inabandona ng kanilang counterpart na cargo company.

Sa ngayon, napakatagal ng ginagawang proseso ng Customs kung saan kailangang pang dumaan sa iba’t ibang ahensya tulad ng Philippine Ports Authority (PPA) at sa Malacañang, upang mabigyan ng clearance na mailabas ang mga abandonadong kahon at ma-waive ang penalties na dapat bayaran.

39

Related posts

Leave a Comment