PANAWAGAN NG OFW SA RIYADH, NATUGUNAN NG AKO-OFW

AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

“TULUNGAN n’yo ako makabalik sa Pilipinas” ang naging titulo ng ating kolum noong Hunyo 11. Ito ang panawagan ni Gerald Costales na isang OFW sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon sa kanyang sumbong, “nadisgraya” siya sa restaurant na kanyang pinagtatrabahuan na sanhi ng kanyang malaking bukol sa ulo na hinala niya ay dahilan din ng panlalabo ng kanyang paningin.

Ngayong araw ay nakatanggap tayo ng mensahe mula sa ating volunteer advocate na si Aiysha Consuelo ng AKOOFW Kuwait Chapter, na nakauwi na sa Pilipinas si Gerald Costales nitong Hunyo 27.

Masayang ibinalita ni OFW Costales na kapiling na n’ya ang kanyang pamilya at nakatakda na rin silang magharap ng kanyang ahensya na E-GMP International Corporation upang pag-usapan ang mga benepisyo na kanyang dapat na matanggap.

Labis ang pasasalamat ng AKOOFW sa mga opisyal ng Migrant Workers Office sa Riyadh Saudi Arabia sa kanilang maagap at mabilis na pagtugon sa ating panawagan. Gayundin ang ating taos-pusong pasasalamat sa Kalihim ng Department of Migrant Workers na si Hans Leo Cacdac sa patuloy nitong pagtugon sa ating bawat kahilingan na pagtulong para sa ating mga OFW.

Samantala, nakatanggap ang AKOOFW ng isa na namang panawagan mula sa isang OFW mula sa bansang Qatar, na si Jycel Lechonsito mula sa NFR MANPOWER RECRUITMENT. Ayon sa kanyang sumbong, “Sir, nakatatlong amo na po ako, una po umalis ako dun dahil sa kasama kung sipsip, ‘di ko nakayanan kasi po araw-araw sa akin mainit mata ng amo kahit lahat naman nagawa ko na at pinipilit po ako magluto, nagagawa ko naman po kahit first timer ako kaso nga po ‘yung kasama kung sipsip, pag sa kusina kami, pinapakialaman n’ya luto ko, nilalagyan n’ya ng mga kung ano-ano para hindi maganda ang kalabasan at pagalitan ako, kaya umalis ako dun, 6months po ako dun, ngayon po nakakuha ako ng pangalawang amo, una po okay naman ako dun kaso po tumatagal ay di na po ako binibigyan ng pagkain at pahinga po at lagi ako nagkakasakit dun. Nung nagkasakit ako pina-check up n’ya ako sa doctor pero ako po ang nagbayad ng lahat ng gastos at gamot. Bali po card n’ya ginamit pero diniduct nya po sa sahod ko, kaya po naglakas loob na po ako na umalis”.

Ang sumbong na ito ni OFW Lechonsito ay agad nating ipinadala kay Atty. Sheryl Malonzo ng Overseas Workers Welfare Administration para mabigyang aksyon ang panawagan ng ating kabayani.

* * *

Kung ikaw ay OFW o kapamilya ng OFW na nais magparating ng sumbong o paghingi ng tulong, huwag mag-atubili na lumiham sa amin at ipadala sa aming email address akoofwpartylist@yahoo.com o kaya sa saksi.ngayon@gmail.com

174

Related posts

Leave a Comment