AYAW LANG MASAPAWAN

BINUTATA ni Vice President and Education Secretary Sara Duterte ang mungkahi ng Alliance of Concerned Teachers’ (ACT) na kumuha ang Department of Education (DepEd) ng 30,000 teachers kada taon hanggang 2028 para sa tamang laki ng klase ng 35 estudyante.

Para mabigyan ng solusyon ang classroom backlog na mahigit 165,000, hinikayat ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro ang pamahalaan na magtakda ng education budget na 6% ng GDP.

Ang napala ng mungkahi: ngitngit mula sa kalihim, na tahasang nagdeklara na ito ay hindi makatotohanan at imposibleng makamit at maabot.

Sa halip na tingnan muna kung ang mungkahi ay maaaring gawin, ito ay buong tapang na binalewala, sabay upak na ito ay malinaw na boladas at panlilinlang na pakana para pahinain ang solusyon ng administrasyon sa problema ng edukasyon.

Minamaliit ni Duterte ang nasabing grupo, na ang panawagan umano ay udyok ng halina para sa layunin na imposible at maglalagay sa pamahalaan sa walang katiyakang sitwasyon na hahantong sa kabiguan.

Ang mapapansin sa ibang pangangatwiran ni Duterte ay ang pag-ugnay nito sa NPA.

Ang pangungusap ng ACT na paglihis sa atensyon ng publiko mula sa karahasang pinasiklab ng NPA sa Masbate.

Ito kaya ay upang bigyang katwiran ang CIF ng ahensiya?

Hindi rason na tahimik ang ACT Teachers sa operasyon ng NPA na nakaapekto sa mga mag-aaral sa Masbate.

Ang pagkastigo niya sa ACT ay walang koneksyon sa isinusulong na mungkahi ng grupo para sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral.

Ano ba ang layunin ng pamahalaan sa pagtugon sa problema sa edukasyon?

Sinabi ni Duterte na balak ng DepEd na magdagdag ng teaching at non-teaching personnel ngayong taon. Palalawakin din ang school administrative officers, dagdagan at punuan ang workforce at bawasan ang administrative tasks ng mga guro.

Ganun naman pala. Bakit nanggagalaiti siya sa mungkahi ng ACT?

Baka ayaw lang pangunahan, masapawan at tulungan.

Sabi nga niya, ang administrasyong Marcos ay hindi mapupuwersa, malilinlang o maaabala ng mga grupo tulad ng ACT. Ang layunin ng nasa pamahalaan ay sugpuin ang mga elemento na nakakaambag sa pagkaantala ng pagtuturo.

Lagi nga ang punto at direksyon ay sa pagsugpo sa kumakalaban, gustong tumulong at nagbibigay ng ideya.

Ang dapat sinusugpo ay ang bumabagsak na edukasyon at laylay na kaalaman.

Teka, parang may sinabi si Duterte na kung bibigyan siya ng P100 bilyon ay mabibigyan niya ng solusyon ang lahat ng problema ng basic education sa anim na taon.

171

Related posts

Leave a Comment