AYUDA PANTAKIP LANG SA PROBLEMA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HABANG tumatagal, lumalaki ang pondo na inilalaan sa ayuda sa mga pamilyang mahihirap sa bansa na tingin ko ay pantakip sa kabiguan ng gobyerno na mabigyan ng maayos at pangmatagalang trabaho ang mga tao.

Ngayong 2024, umabot sa P225.8 billion ang pondo na inilaan para sa ayuda sa ‘poorest of the poor’ daw na uutangin ng gobyerno at kinukuha naman sa middle class ang pambayad kaya ang siste, may sector na natutulungan pero may sector naman na pinahihirapan.

Kabilang sa halagang ‘yan ang P60 billion na Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) kung saan bibigyan daw ng tig-P5,000 ang 12 milyong pamilyang Filipino. One time cash assistance lang ‘yan ha.

Dagdag ‘yan sa P30 billion para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers (TUPAD) at P23 billion naman para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) kung saan ang mga pulitiko lalo na ang mga congressman at senador, ang personal na magbibigay sa mga tao. Pang-eleksyon.

Patong-patong na ayuda na ‘yan dahil bukod ang halagang iyan sa P112.8 bilyong Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan 4.4 milyong pamilyang Filipino ang bibigyan ng buwanang ayuda sa buong taon kapalit ng pagpasok ng kanilang mga anak sa paaralan.

Hindi ko tuloy maiwasang isipin na bukod sa nagagamit sa reeleksyon ng mga congressman at senador ang ganitong mga ayuda, ay tinatakpan lang ng gobyerno ang mas malaking problema na hindi nila maresolba… ang bigyan ng trabaho ang mga tao.

Tuwing eleksyon laging sinasabi ng mga pulitiko na kapag sila ay manalo ay magkakaroon ng maraming trabaho pero imbes na trabaho ang ibigay ay ayuda, na alam naman natin na hindi sapat para makaahon sa kahirapan ang mahihirap.

Kung magkakaroon ng trabaho ang mga tao, baka sila na mismo ang tatanggi sa ayuda dahil hindi na nila kailangan pero dahil wala silang hanapbuhay ay tatanggapin nila kahit awang-awa sila sa sarili nila dahil para silang mga pulubi na umaasa sa limos mula sa gobyerno.

Sa laki ng pondo na ‘yan, marami na tayong maitatayong industriya na puwedeng pasukan ng mga tao at kung ibuhos din ‘yan sa agrikultura, baka makapag-export na tayo ng mga produktong agricultural pero wala eh, mas gusto ng gobyerno na magbigay ng limos.

Naging dahilan din ang ganyang mga ayuda kaya marami sa ating mga kababayan ang nagiging tamad na lalo na ‘yung mga walang pangarap o ambisyon sa buhay dahil hindi na sila maghahanap ng ibang pagkakakitaan.

Sa sector ng agrikultura, ang hirap nang kumuha ng mga tao na magtrabaho sa bukid dahil kapag kinausap mo sila na mag-ani o kaya maglinis sa taniman mo, ay sasabihin sa iyo na “4Ps member sila”.

Pahirapan na rin ang pagkuha ng kasambahay dahil sa ayudang ‘yan lalo na ang 4Ps, kaya parang tinuturuan na mismo ng gobyerno ang mga tao na maging tamad at dahil wala silang ginagawa ay natututo na silang magsugal.

176

Related posts

Leave a Comment