PAG-ASANG DALA NG BAGONG TAON

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

SA kabila ng napakaraming pagsubok na patuloy na kinakaharap ng mga Pilipino, hindi talaga maikakaila na nagdadala pa rin ang pagbubukas ng panibagong taon ng pag-asa na siyang pinanghahawakan ng napakarami sa atin.

Ayon sa 4th quarter survey na inilabas ng Social Weather Station (SWS), mahigit 96 na porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing sasalubungin nila ang 2024 na may bagong pag-asa. Mas mataas ito sa 95 na porsyentong naitala noong nakaraang taon at halos kapantay naman ng sentimyentong nakalap bago nagkaroon ng pandemya noong 2019.

Nitong 2023 rin kasi tuluyan nang idineklarang hindi na public health emergency ang COVID-19. Bagama’t nakapagtala ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 nitong nakaraang dalawang buwan, tuluy-tuloy naman ang naging pagdiriwang ng mga Pilipino nitong panahon ng kapaskuhan.

Heto na nga’t mataas talaga ang bilang ng mga Pilipinong nananatiling positibo ang sentimyento, pero mayroon pa ring iilan – o nasa tatlong porsyento ang nagsabing sasalubungin nila ang bagong taon na may pangamba. Mas mababa naman ito kumpara sa limang porsyento noong nakaraang taon.

Bukod sa huling survey na ito ng SWS, nauna na ring inilabas ng Pulse Asia ang ulat na nasa 92 na porsyento ng Pilipino ang may kumpiyansang dala ng bagong taon ang pag-asa; samantalang isang porsyento lamang ang hindi umaasa, at nasa pitong porsyento naman ang hindi sigurado.

Kung ito ang ating pagbabasehan, hindi natin maikakaila na likas sa ating mga Pilipino ang patuloy na pagiging handa sa pagharap sa mga problema, at pagtingin sa mga positibong aspeto ng buhay sa kabila ng mga pagsubok.

Kagaya ng marami, ganito rin ang aking pakiramdam pagpatak ng unang araw ng taon na tradisyunal nating sinasalubong sa pamamagitan ng mga makukulay na paputok, pag-iingay, at siyempre ang salu-salo kasama ang ating mga mahal sa buhay.

Para sa mga kaibigan at kakilalang nakatira sa ibang bansa, sinasabi rin nilang iba talaga ang pagdiriwang sa Pilipinas – lalo na’t kasama mo ang mga taong mahahalaga sa ‘yo.

Sang-ayon ako dito, dahil kahit na hindi naman ako isang overseas Filipino worker, naranasan kong salubungin ang bagong taon sa ibang bansa. Dalawang oras bago ang pagpatak ng alas dose, nakaabang na kami ng aking matalik na kaibigan sa lugar kung saan inaasahang sasalubungin ang bagong taon sa Interlaken sa Switzerland. Medyo kakaiba rin sa pakiramdam dahil hindi katulad sa Pilipinas na tuluy-tuloy ang masasayang tugtugan at maliwanag ang mga kalsada na tila ba ang lahat ay nakaabang.

At laking gulat nga namin dahil hindi kasing saya dahil kanya-kanya ang selebrasyon at hindi masyadong maliwanag ang field kung saan nagtipon-tipon ang napakaraming turistang kagaya naming umaasa nang masayang pagsalubong sa 2023.

Nalaman na lang naming kalaunan na ang selebrasyon ay nagsisimula sa unang araw ng taon at mas tahimik ang pagsalubong na ginagawa nila sa hatinggabi. Gayunpaman, naging masaya naman ang karanasan na ito.

Ngayong isa na namang taon ang haharapin natin at karamihan nga sa atin ay nagdiriwang pa at gumagawa ng new year’s resolutions, sana rin ay maisaalang-alang natin ang ating mga kakilala at mga kaibigan na hindi makapagdiwang nang kasing saya ng nakararami dahil sa pagsubok na hinarap at patuloy na hinaharap ngayong pagbubukas ng taon.

Ipinagdarasal ko ang lahat ng kakilala at kaibigang nawalan ng mahal sa buhay, at pati na rin ang mga pamilya ng mga kakilalang sumakabilang buhay kamakailan. Sana patuloy pa rin tayong magbahagi ng tulong, ng yakap, ng masasandalan para sa kanila na kailangan ang ating pagmamahal at suporta para manatiling matatag at positibo ngayong bagong taon.

Muli, pagbati ng masaya, masagana, at puno ng pag-asang Bagong Taon sa ating lahat!

106

Related posts

Leave a Comment