Niyanig ang ilang bahagi ng Mindanao sa lakas na magnitude 6.3 na lindol noong Miyerkoles ng gabi.
Ang lakas ay nakapagtala ng pinsala ngunit malaking bagay na may pagtitiyak ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology na walang magaganap na tsunami.
Nakapangangambang sa lakas ng lindol ay apat ang naitalang binawian ng buhay, habang 60 naman ang naireport na nasaktan sa Tulunan Cotabato. Sana ay hindi na ito masundan pa ng anomang casualty.
Nananalangin ang publiko kasunod ng nangyari. Naroon kasi na may mga gusaling nagiba matapos ang malakas na lindol. Kasunod nito ay pinag-iingat din ang publiko sa Mindanao sa posibleng nakaambang pagguho ng mga lupa o landslides.
Sana ay magtuluy-tuloy pa rito ang ayuda ng lokal at nasyunal na pamahalaan. Hindi kailangang magtulug-tulogan dito.
Sa ganitong sitwasyon kailangang maging kalma ang lahat para makapag-isip nang tama at manatiling alerto upang magawa ang mahalagang bagay ukol sa nangyaring lindol.
Sa ganitong pagkakataon kasi natin mas kailangan ang pagtutulungan ng bawat isa lalo’t hindi biro ang may mga namatay at mga nasaktan. Kawawa rin naman ang kanilang mga pamilya.
Sa pagbibigay din ng tulong kailangang paalalahanan natin ang ating mga sarili na huwag magpakalat ng anomang maling balita at tanging konkretong impormasyon lamang ang ihayag para hindi magkaroon ng kalituhan sa gitna ng trahedya na dinanas ng ating mga kababayan sa Mindanao.
Hindi na bago sa atin ang lindol.
Ang Pilipinas ay isa sa pinaka-disaster-prone na bansa sa buong mundo. At dahil ang bansa natin ay nasa kahabaan ng Pacific Ocean’s “Ring of Fire” at mayroon tayong limang major fault lines, delikado tayo sa mga trahedya gaya ng lindol.
Sa tuwing may ganitong pangyayari sana ay bukas ang isip natin na malampasan ito at ibigay ang tunay na pag-ayuda sa mga nangangailangan. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
396