BAGONG PLAYERS NG MC TAXI, PANG PROBINSIYA NA LANG – LTFRB CHAIR

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NILINAW ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz na pang probinsiya na lamang ang 8K new slots na inilabas ng ahensiya para sa bagong players ng Motorcycle (MC) taxi service .

Ayon sa kanya, ang apat na bagong players na ‘di pa nailalabas ang permits, ay ang Maxi, Dingdong, Grab, at isa pang aplikante para sa MC Taxi.

Sabi pa niya, tanging para sa provincial operation na lamang ang mga dagdag na MC taxi slots na kanilang ipalalabas batay sa utos ni DOTR Secretary Benjamin Bautista.

Aniya, prayoridad ngayon ng LTFRB na lagyan ng dagdag na slots ang Regions 3 at 4, Region 7 sa Cebu, at Region 11 sa Davao.

Ang 45,000 slots ng MC taxi service na naibigay lamang sa Joyride, Angkas at Move IT, ay hindi na daragdagan at tanging ang slots na naibigay sa tatlong players na nabanggit lamang, ang nabigyan ng permit para pumasada sa Metro Manila.

“Last week kami ay nag-meeting tungkol diyan at inutos sa akin ni Secretary Bautista na itigil na muna pagdaragdag ng MC taxi service slots sa Metro Manila at ang 8,000 new slots na naibigay namin sa 4 na players ay para sa labas lamang ng Metro Manila, ” ayon pa sa hepe ng LTFRB.

Ayon pa kay Guadiz, sa usapin naman ng TNVS na may 4 na gulong, ay 65,000 slots ang laan sa Metro Manila pero umabot lamang aniya ito ng 23,000, pero naatasan din sila ng DOTR na itigil muna ang pagdaragdag ng slots para dito.

“Itinigil na namin ang awarding of slots, sa utos ni Secretary Bautista at saka na namin aalamin kung kailangan pa talaga ng dagdag sa Metro Manila,” banggit pa ng opisyal.

Niliwanag din niya na tatlong bagay ang pinagbabatayan sa pilot study ng MC Taxi Service, at ito ay ang economic impact, epekto sa traffic, at epekto sa iba’t ibang uri ng mga pampasaherong sasakyan.

Ang pilot study na ginawa ng MC Taxi Technical Working Group sa MC taxi service, ay tugon para maglaho ang mga kolorum na habal-habal operations.

Matatandaang hinamon ni Chairman Guadiz ang sinomang may maling espekulasyon sa kanya na patunayan kung siya ay may pagkakamali kaugnay ng MC taxi service sa bansa.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

33

Related posts

Leave a Comment