NO COMMENT

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PANSIN n’yo ba na nauuso ang mga katagang lumobo, naalarma, nabahala at iba pang pekeng pag-aalala sa maiinit na isyu na kailangang lapatan ng agarang remedyo?

‘To na ang sampol.

Sinabi ng DOH na mula Enero 1 hanggang Marso 30, kabuuang 1,112 kaso na ng pertussis, kabilang ang 54 nasawi, ang naitala.

Ayan, halos 34 times daw ang inilobo ng bilang ng kaso kumpara sa katulad na panahon noong nakalipas na taon, na 32 kaso.

Limang rehiyon umano ang patuloy ang paglobo ng kaso sa nakalipas na anim na linggo.

Lumolobo ang kaso kaya malamang magkaroon ng shortage ng bakuna sa Mayo.

Nakaaalarma ang paglobo at mas nakababahala ang posibilidad na kapusin ng bakuna.

‘To ang ikalawang paglobo. Pumalo sa P15.18 trilyon ang national debt ng Pilipinas nitong Pebrero, na mas mataas ng P388.51 bilyon kumpara noong Enero 2024, at P562.43 bilyong mas mataas kumpara noong katapusan ng December 2023.

Lumobo pa ang utang tapos dumarami ang gastos ng pamahalaan sa mga hindi mahalagang paglalaanan.

Nag-aalala raw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa utang ng bansa pero panay naman liwaliw ang ginagawa sa mga biyahe, na karamihan ay pledges ang bitbit pag-uwi.

Sumawsaw na rin si Sen. Win Gatchalian sa usong alarma. Nakakaalarma raw talaga na lumolobo ‘yung ating utang dahil ang utang na ‘yan babayaran, hindi lang tayo, kundi babayaran ‘yan ng anak natin, baka apo natin, baka pati anak pa nila. Iyan lang ang masasabi ng senador sa aniya’y “intergenerational” na utang ng bansa.

Sa totoo lang, ‘di ko maramdaman ang sinseridad ng mga nag-aalala at naaalarma.

Bakit ngayon lang naalarma ang tikom ang bibig sa walang habas na pangungutang ng nakaraang administrasyon, na parang gustong pamarisan at isagad pa ng naghahari ngayon?

Sa panahon ng pinalitan ni Dyunyor, ang national debt ay nadoble, mula sa P6 trilyon ay lumobo sa P12T. Nadoble o higit pa.

Pero walang imik ang mga bahag ang buntot.

Tahimik at no comment.

Ito nga pala ang pinakapatok sa mga usong kataga ngayon – ang no comment.

Mula pa ito sa ikalawang pinakamataas na lider ng bansa, na ang tugon sa isyu ng WPS ay no comment.

Kaya hindi maawat-awat ang komento, batikos at tuligsa ng publiko sa estado ng mga ganap ngayon dahil ramdam nila na peke ang saloobin ng mga kunwari ay nagmamalasakit sa interes ng bayan at mamamayan gayung pansariling kapakanan naman ng politiko ang nangingibabaw. Para nga naman hindi masaling ang naliligalig nang isipan ng taumbayan.

Pero mahirap nang malansi ang mga mulat ang kaisipan.

Baka nga naman nareresolba ng ‘no comment’ ang mga problema ng bayan.

33

Related posts

Leave a Comment