BAKIT DI PINAPANSIN ANG OIL PRICE HIKE?

MULA nang pumasok ang buwan ng Enero, linggo-linggo ay nagpapatupad ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis pero parang walang pakiaalam ang mga ahensya ng gobyerno lalo na ang Department of Energy (DOE).

Wala akong alam sa negosyong ‘yan pero bilang ordinaryong observer, hindi ba mayroong umiiral na law of demand and supply? Kung mababa ang supply, tataas ang presyo pero kapag mababa ang demand, dapat bumababa ang presyo.

Parang hindi umiiral ito sa ating bansa dahil tiyak na mababa pa ang demand sa langis dahil hindi pa nakakabalik sa normal na buhay ang mga tao kaya nga nagnegatibo ang ekonomiya ng bansa noong nakaraang taon matapos mairekord ang negative 9.5% na huling nangyari noong pagkatapos ng World War 2 o noong 1947.

Tiyak na hindi pa nakakaahon ang ekonomiya ng bansa pagpasok ng Enero (na patapos na bukas, Linggo) dahil limitado pa rin ang kilos ng mga tao dahil sa pandemya sa COVID-19 na courtesy ng China na kaibigang matalik ng administrasyon.

Bilang ordinaryong observer, nagtataka ako bakit sa apat na linggong nakaraan ay linggo-linggo nagpatupad ng oil price increase ang mga kumpanya ng langis? Ibig bang sabihin lumakas ang demand?

Noong nakaraang taon, sa kasagsagan ng pandemya, bumagsak ang presyo ng langis sa world market. Ipagpalagay natin na nagbawas ng import ang mga kumpanya ng langis pero nag-angkat pa rin sila, tama?

Dahil tuloy-tuloy ang kanilang importation, naubos pa ang kanilang mga binili sa world market noong nakaraang taon sa murang halaga o yung naimbak nila na hindi naibenta noong nakarang taon ang ibinebenta nila ngayon sa mas mahal na presyo?

Eto ang mga tanong na dapat hanapan ng DOE ng kasagutan para maproteksyunan ang mga consumers pero parang walang pakialam ang ahensyang ito at hindi kinukuwestiyon ang apat na linggong oil price hike na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis.

Sa loob ng unang buwan ng taong ito habang nasa gitna pa rin tayo ng pandemya, umabot sa P2.50 ang itinaas ng bawat litro ng Gasolina, P1.75 sa Diesel at P1.70 naman sa kerosene.
Sa biglang tingin, mura lang at mas malaki pa ang ginagastos ng mga tao sa text araw-araw pero sa katotohanan, masakit ito sa mga negosyante at mga may-ari ng mga sasakyan na napililitang gumamit ng sasakyan dahil hindi naman maayos ang transport system sa Pinas.

Ginagawang dahilan din ng mga tiwaling negosyante ang pagtaas ng presyo ng langis para patungan pa ng husto ang kanilang kita na ang huling magdudusa ay ang mga consumers lalo na sa pagkain.

Kung talagang may malasakit ang gobyerno sa mga tao, dapat nilang kuwestiyonin ang sunod-sunod na oil price increase. Karapatan ng mga consumers na malaman kung bakit ito nangyayari.

Pero sa kabilang banda, parang ayaw kong umasa sa DOE dahil yung utos sa mga oil companies na ibundle ang kanilang presyo para malaman kung tama ba ang presyuhan ng langis sa bansa eh walang nangyari.

Layon sana ng pag-bundle na ito na ipadetalye sa mga kumpanya ng langis kung magkano ang bili nila ng langis sa ibang bansa, magkano ang gastos nila sa kanilang operasyon kasama na ang pasahod sa kanilang mga tauhan at magkano ang kanilang kita bawat litro ng langis.

Kinontra ito ng mga oil companies dahil sekreto daw ito sa pagnenengosyo pero may tungkulin ang DOE na proteksyunan ang mga tao. Porke ayaw ng mga oil companies wala na kayong magawa eh kayo ang otoridad? Mantakin mo yan.

49

Related posts

Leave a Comment