HIRAP NG BUHAY DAMAY NA ANG MGA NEGOSYANTE

HINDI lang mga ordinaryong mamamayan ang nakakaramdam ng hirap ngayon kundi maging ang mga negosyante.

Sa nakuhang impormasyon ng PUNA maging ang car dealers o mga negosyante na nagbebenta ng mga sasakyan ay apektado na rin ng krisis.

Sa katunayan noong nakaraang taon (2020) ay nakapagtala sila ng 20 hanggang 52 porsyento nang pagbagsak ng kanilang car sales.

Kung pagkukumparahin ang 2020, umabot sa mahigit kumulang 330,000 units lang ang naibenta ng mga car dealers samantalang noong 2019 ay umabot daw ito lagpas 415,000.

Kabilang sa naging dahilan ay ang pagputok ng bulkang Taal noong Enero 2020.

Nakaapekto ito ay sa mga car dealers lalo na yung malapit lang sa Taal dahil nagsara sila ng kanilang mga negosyo.

Hindi pa man sila nakakabangon sa kalamidad na iyon, sumunod naman ang COVID-19 pandemic na hanggang sa ngayon ay nananalasa sa buong mundo.

Maging ang Amerika na pinakamayamang bansa sa buong mundo ay bumagsak na rin sa kulang-kulang 55 porsiyento ang kanilang car sales.

Sa COVID-19 pandemic ay marami ang nawalan ng trabaho at maraming tao ang hindi makakilos ng normal dahil sa mga ipinatutupad na mahigpit na quarantine protocol ng gobyerno para hindi na
kumalat ang virus.

Siyempre ang panananatili ng mga tao sa kani-kanilang mga bahay para makaiwas sa virus na dala ng COVID-19 ay dahilan upang hindi sila makakilos at makapagtrabaho.

Kaya naman ang ginawa ng gobyerno ay naglabas ng Social Amelioration Fund bilang suporta sa mga tao habang ipinatutupad ang mahigpit na health protocols.

Subalit ang dalawang beses na ayudang may halagang P16,000 ay hindi sasapat sa bawat pamilyang Pinoy sa loob ng isang taong pananalasa ng COVID-19.

Kaya ang mga negosyante na may negosyong walang kinalaman sa pagkain o pangunahing pangangailangan ng tao ay siguradong bagsak na ang kanilang kita.

Tulad lamang ng mga nagnenegosyo ng mga sasakyan o kotse kung kayat nakapagtala sila ng 20 hanggang 55 porsyento ng pagbagsak ng kanilang sales.

Kaya naman ang ilan samahan ng car dealer sa bansa ay humingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan sila para hindi sila tuluyan na magsara.

Ayon pa sa mga eksperto ang kalayagan daw ng ekonomiya ng bansa ngayon ay kahalintulad noong panahon ng World War 2.

Ganun kalupit ang inabot ng Inang Bayan na dulot ng pagputok bulkang Taal buwan pa lang ng Enero 2020, sinundan ng Covid-19 at mga malalakas na bagyo nitong last quarter ng 2020.
Naway makahinga na tayo ngayong 2021.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

49

Related posts

Leave a Comment