BAKIT NAGKAROON NG VALENTINE’S DAY?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KAILAN at paano nagkaroon ng Araw ng mga Puso o Valentine’s Day? Hanggang ngayon ay ipinagdiriwang ito tuwing sasapit ang Pebrero 14 kada taon.

Ito ay ipinagdiriwang tuwing Pebrero 14 ng mga bansang Kristiyano sa buong mundo.

Bakit tinawag siyang Valentine’s Day? Ito ay pagdiriwang ng kapistahan ni San Valentino o Saint Valentine.

Sa araw na ito ay ipinahihiwatig ng mga magkasintahan, mga mag-asawa at mga pamilya ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa at nagpapadala ng mga bulaklak, kard at donasyon na kadalasan ay hindi sinasabi ang pangalan.

Si San Valentino, ayon sa Katolisismo ay patron ng mga magkasintahan.

Saan nga ba nagmula ang Valentine’s Day?

Base sa ginawang pagsasaliksik ng PUNA, ang Valentine’s Day ay paganong pagdiriwang na Lupercalia, kung saan nagsasayawan at nag-iinuman ng alak ang mga tao.

Noong taong 496, iniutos ni Santo Papa Gelasius na gawing Kristiyanong ritwal ang mga paganong pagdiriwang kaya’t binigyan ito ng bagong pangalan, ang Valentine’s Day, ito ay bilang pagpupugay sa patron nito na si San Valentin.

Sa panahon na ito ay sinasabing tatlong San Valentin ang nabuhay, ang mga ito ay kinabibilangan ng isang pari ng Roma, isang obispo ng Interamna, isang martir sa isang lalawigan ng Roma sa Aprika.

Sa panahon ding ito ay ipinagbabawal ni Emperador Claudius II na magpakasal ang mga sundalo ng Roma dahil nakapanghihina raw ito sa kanila na lumalaban sa digmaan.

Subalit lihim na nagkasal pa rin si San Valentin ng mga magkasintahan kaya ipinapatay siya noong taong 270.

Itinuturing din na isa sa pinagmulan ng mga kartang pambati ang kapistahan ng Araw ng mga Puso o Valentine’s Day.

Sa pagdiriwang ng Lupercalia sa Roma tuwing Pebrero 15, nakaugalian ng sinaunang mga batang kalalakihan ang pagsulat ng mga pangalan ng mga batang kababaihan sa malalaking urno o plorera, kung kailan nagiging kapareha ng isang batang babae ang batang lalaki sa panahon ng festival.

Upang magkaroon ng Kristiyanong kahulugan at mukha ang paganong selebrasyon, inilipat ng Simbahang Katoliko ang Araw ng mga Puso mula Pebrero 15 patungong Pebrero 14 na araw kung kailan naging martir ang santo at paring si Valentino.

Lumabas ang mga unang papel na pambating tarheta mula noong ika-16 dantaon na naglalaman ng mga tula ng pagmamahal at mga ginuhit na larawan ni Kupido, ang diyos ng pag-ibig, kasama ng kanyang pamana at palaso.

Naging tanyag ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso noong mga kalagitnaan ng ika-19 daan taon, ang panahon kung kailan ipinakilala sa madla ang mga sangkusing na postahe at mga sobre.

Kaya sa Pilipinas, hanggang ngayon ay mainit na ipinagdiriwang ang Araw ng mga Puso tuwing ika-14 ng Pebrero kada taon.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel# 0977-751-1840.

197

Related posts

Leave a Comment