MAGSASAKA 5-TAON NANG DUSA SA RTL

LIMANG taon nang nagdurusa ang mga magsasaka sa Rice Liberalization Law o Republic Act (RA) 11203 subalit mistulang walang balak na putulin ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kahapon, Pebrero 14, ang ika-5 taong anibersaryo ng nasabing batas na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ipinasa ng Kongreso noong panahon nina dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at Senate President Vicente Sotto III.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, dahil sa nasabing batas, bumagsak ang presyo ng palay kung saan sa unang taon ay umabot ito sa P12 kada kilo na malayong-malayo sa P22 bago ito naisabatas kaya nalugi ang mga magsasaka.

Bukod dito, ipinangako ng mga may-akda sa nasabing batas na sina Arroyo at Senator Cynthia Villar na bababa ang presyo ng bigas kapag inalis ang kontrol sa pag-aangkat subalit bumaha lang ang suplay pero hindi bumaba ang presyo nito.

“The cost of rice has been going up by more than 10% since September, and it doesn’t look like it’s going to get better soon because prices around the world are still high. This is what happens when the country is import dependent,” ani Brosas.

Dismayado ang mambabatas dahil kahit alam ni Marcos na matindi na ang epekto ng nasabing batas sa mga magsasaka ay nagbibingi-bingihan ito sa panawagan na ibasura na ito.

“The Marcos Jr. administration’s obsession with importation and the implementation of the Rice Liberalization Law only exacerbates the worsening situation of our farmers,” dagdag pa ng kongresista.

Kinastigo rin ni Brosas ang Pangulo dahil patuloy nitong pinagkakaitan ang mga magsasaka sa hihinging P15,000 production subsidy sa gitna ng lumalalang epekto ng El Niño.

Lalong nanganganib aniya ang food security dahil sa El Nino subalit imbes na bigyan ng ayuda ang mga magsasaka ay pinararami pa nito ang bigas na aangkatin sa ibang bansa tulad ng kasunduang nilagdaan nito sa Vietnam.

“The damage to agriculture due to the El Niño has reached around P150 million, with most of the damage felt in the Western Visayas and Zamboanga Peninsula region.

Pero imbes na magbigay ng sapat na subsidyo sa produksyon, pinalala pa ng administrasyon ang importasyon,” pahayag pa ni Brosas.

(BERNARD TAGUINOD)

76

Related posts

Leave a Comment