BAKIT WALANG TIWALA ANG PINOY SA CHINA?

DPA

Hindi ko masisisi ang mga Filipino kung walang tiwala ang mga ito sa China kumpara sa ibang bansa tulad ng Amerika dahil sa masamang karanasan natin sa bansang ito lalo na sa West Philippine Sea (WPS).

Wala pang survey na nagsasabi na tiwalang-tiwala ang mga Filipino sa mga Intsik.

Sino bang lahi ang hindi papalag kung harap-harapang inaangkin ang inyong teritoryo ng tulad ng ginagawa ng China sa mga teritoryo sa WPS.

Malinaw na malinaw sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na pag-aari natin ang lahat ng mga reef na nasa loob ng exclusive economic zone sa WPS.

Pero sinakop at tinayuan na ng China ng kanilang military facilities ang ilan sa ating reef at binabakuran pa nila ng kanilang puwersa ang Scarborough Shoal na traditional fishing ground ng mga Filipinong mangingisda.

Hindi makapalag ang Pilipinas dahil wala raw tayong laban sa military power ng China kaya idinaan na lang sa kaso ito at nanalo naman tayo. Pero dahil sila ang may malakas na military sa Asya at pangalawa sa may pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo, tameme na lang ang mga lider natin at binalewala nila ang ating tagumpay.

Lalong hindi makapalag ang Pilipinas dahil maraming pangakong ‘pautang’ ang China na gagamitin sa iba’t ibang proyekto, ang posibleng mapurnada kaya may mga lider tayo na nananahimik na lang.

Lalong nababasa ang pangalan ng China sa mga Filipino dahil sa kanilang mga mamamayan na nasa bansa na tila walang paggalang sa ating batas at nagsisiga-sigaan sa ating bansa.

Sa Pasay at Parañaque, walang lugar na hindi ka makakakita ng mga Chinese na hindi marunong mag-Tagalog matapos silang dumagsa rito para magtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Corporation.

Karamihan sa kanila ay hindi sumusunod sa pila, dumadahak kahit nasa loob ng mga kainan na ‘no-no’ sa kultura sa mga Filipino dahil nakawawala ng ganang kumain ang kanilang inaasal bukod sa kanilang sobrang ingay.

Papaano igagalang ang mga dayuhang ito kung sila mismo ang hindi gumagalang sa ating mga Filipino? Ang ating mga kababayan na pumupunta sa China at iba pa nilang teritoryo, sumusunod sa kanilang batas at inaalam ang kanilang kultura bago sila lumarga, bakit hindi nila magawa? (DPA / BERNARD TAGUINOD)

123

Related posts

Leave a Comment