BALIK-TANAW SA DENGVAXIA

FOR THE FLAG

PANAHON pa ng mga Kastila ay ganoon na lang kung maliitin ang mga Pilipino dahilan kung kaya’t noon pa lang ay nagnais na ang ating mga ninuno na makaalpas sa pang-iinsulto ng mga Kastila at maka-tabla sa kanila sa edukasyon at propesyon.

Minana ng oligarkiyang nakabase sa bansa ang kaugaliang iyan, ang masa ay mistulang ipis ngunit kung tutuusin ay ang masa ang bumubuhay sa pinakamalalaking negosyo sa bansa.

Nanatiling tungtungan na nga lamang ng mga paa ng oligarkiya ang mamamayan. Nagpasalin-salin ang kaugaliang iyan hanggang umabot sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Nanatiling mala-alipin ang trato sa taumbayan. Ano ba naman ang matulog ang busabos sa tent ng ilang taon, o mamatay ang mga ito sa Mamasapano?

Hindi binibigyang halaga ang mga buhay ng bawat mamamayan, kaya nga umaabot na parang mga zombie ang mga Pilipino na sumusugod sa mga warehouse at nag-aagawan sa mga pagkaing noodles doon samantalang ang sako-sakong relief goods na para sa kanila ay pinabubulok lamang sa mga warehouse ng pamahalaan.

Kaya tama ang sentim­yento ng marami nating mga kababayan na nagsasabing nararapat na tingnan ang isyu ng Dengvaxia na maaaring isang kaso ng syndicated plunder at syste­matic genocide ng mga batang Pilipino.

Na maaaring sipatin bilang panliliit sa mamamayang Filipino ang ginawang pang-gi-guinea pig sa mga musmos na, ayon kay Jose Rizal, ay pag-asa at kinabukasan ng ating mahal na bansa.

Tama sila na nagsasabing malinaw na minadali ang pag-aapruba sa nasabing programa ng pagbabakuna, na katunayan ay makailang beses na naki­pagpulong ang mga opisyal ni  Noynoy Aquino at maging siya mismo sa mga executive ng Sanofi, samantalang mag-iiskedyul pa lamang sila ng public bidding.

Nakuha pa nga namang pumunta mismo ni Aquino sa headquarters ng kompanyang Sanofi sa Paris.

Kung tutuusin nga namang talaga ay buhay ng 800,000 mga musmos na Filipino ang nakataya sa pagsasalang nila Aquino sa mga ito upang malaman kung epektibo ba o may diperensiya ang nasabing dengue vaccine.

“Bakit sa ating mga Filipino ginawa? Ano ba ang kasalanan ng mga Filipino kay Aquino at sa Sanofi?” tanong ng mga naulilang biktima.

Ngunit malalim ang sagot, may kinalaman sa ating madilim na kasaysayan, pinadilim ng pagkaganid ng mga kolonista sa kayamanan ng ating bansa. (FOR THE FLAG / Ed Cordevilla)

282

Related posts

Leave a Comment