MY POINT OF BREW ni JERA SISON
KUNG baga sa larong Blakdyak, maganda na ang baraha ng Israel. Nauunawaan ng karamihan sa mundo na sila ang unang sinugod ng teroristang Hamas mula sa okupadong teritoryo ng Israel sa Gaza Strip. Malinaw na karapatan nilang gumanti sa ginawa ng Hamas na paglusob sa bansang Israel at walang-awang pagpaslang, panggagahasa at pag dukot ng mahigit isang libong inosenteng sibilyan na taga-Israel.
Nakaukit na sa polisiya ng Israel na hindi sila magpapakita ng kahinaan sa nakapaligid na mga bansa sa kanila na mga Arabo. Hangad nila ay kapayapaan at magandang ugnayan sa mga kapitbahay nilang bansa na mga Muslim. Malalim at mahirap ang kanilang pinagdaanan upang makamit ang sariling bansa. Subalit lalong tumibay ang kanilang paninindigan na ipagtanggol ang kanilang bansa matapos atakehin sila ng Egypt, Syria, Jordan at Saudi Arabia, ilang araw matapos idineklara ang bagong bansang Israel.
Kaya naman mula noon hanggang ngayon, pinalakas nila ang kanilang armas militar at magandang ugnayan sa bansang Estados Unidos, Britanya, Pransya at ibang pang mga bansa sa Europa na may malaking populasyon ng mga Hudyo.
Marahil ay alam na ng karamihan sa atin ang ugat at kasaysayan kung bakit nawalan ng lupain ang mga Palestino at naiwan sa kanila ang West Bank at ang Gaza Strip na kasalukuyang okupado ng Israel. Ganoon din ang pag-angat ng grupong teroristang Hamas na tumiwalag sa gobyerno ng Palestinian Authority sa ilalim ng pamamahala ng Israel.
Sa totoo lang, matagal na ang girian na namamagitan sa Hamas kontra Israel. Subalit, ika nga ni FPJ, napuno na ang salop ng Israel sa ginawang karumal-dumal na paglusob at pag atake sa mga inosenteng sibilyan ng Israel.
Kaya naman, hindi kataka-taka na bumuwelta ang Israel sa mga teroristang Hamas sa pamamagitan ng walang humpay na pambobomba sa Gaza Strip. Ang masakit lang dito ay libu-libong inosenteng Palestino ang namatay dulot ng pambobomba ng Israel.
Masakit man sabihin ito, subalit sa lahat ng nakaraang mga digmaan, mas maraming mga inosenteng sibilyan ang namamatay kumpara sa mga sundalong nakikipaglaban. Ang mga inosenteng sibilyan ang naiipit sa digmaan nang walang kalaban-laban.
May mga balita pa na ang mga teroristang Hamas ay sadyang nakikihalubilo sa mga sibilyan sa Gaza Strip. Ito ay upang sadyang ipalabas sa buong mundo na walang pakialam ang Israel kung marami ang namamatay na mga sibilyan sa kanilang pambobomba. At tila nagtatagumpay ang Hamas dito.
Sa buong mundo, marami ang mga nagproprotesta sa ginawang pagbomba ng Israel sa Gaza Strip. Kinokondena na ng ilang bansa ang ginagawa ng Israel at nanawagang ihinto na ito.
Subalit kung iisipin at suriin natin, hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi lumusob ang Hamas sa Israel at nagmasaker ng ilang daang sibilyan, nandukot pa at dinala sa Gaza. Makatarungan ba ‘yun?!
Ang dagdag balita pa ngayon, upang lalong magalit ang ibang mga bansa sa Israel, ay ang umano’y pagbomba sa isang ospital na nagresulta muli sa pagkamatay ng mga sibilyan. Ngunit may balita na sadyang ginawa ang pagbomba sa ospital ng Hamas upang masisi muli ng Israel. Tsk tsk.
Dapat ay magpulong ang liderato ng Israel, kasama na ang nakatataas na mga opisyal ng kanilang militar kung papaano maituwid ang masamang imahe na ginagawa umano ng Hamas laban sa Israel. Hindi lamang giyera sa pamamagitan ng armas ang laban na ito. Public relations war din na mahalaga upang maintindihan ng mundo ang ginagawa ng Israel laban sa Hamas.
256