BBM BINABASTOS NG CHINA

DPA Bernard taguinod

ISANG malinaw na pambabalahura at pambabastos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang laser attack ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard (PCG) noong Pebrero 6, 2023 sa Ayungin Shoal.

Noong nasa China si BBM mula noong Enero 3 hanggang 5 para sa kanyang unang state visit sa bansa ni Xi Jinping, nagkasundo raw sila na patatagin ang bilateral talks ng dalawang bansa dahil hindi umano military solution ang makareresolba sa usapin sa WPS.

Pero matapos lamang ang isang buwan, ay inatake ng nakabubulag na military-grade laser ang PCG na naging dahilan ng pansamantalang pagkabulag ng bantay-dagat forces.

Kung hindi ito isang uri ng pambabalahura at pambabastos ng China kay BBM, hindi ko alam kung anong pang tawag dyan. Patunay rin yan na hindi totoo at seryosong kausap ang China.

Hindi na dapat pagkatiwalaan ng Pilipinas ang China dahil iba ang kanilang sinasabi sa kanilang ginagawa kaya dapat magkaroon ng matibay na posisyon dito si Marcos dahil baka akalain ng puwersa ni Xi Jinping na okey lang sa kanya ang ginagawa nila sa ating territorial waters.

Nangako si BBM na kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas ay hindi niya isusuko sa anomang bansa pero eto, hindi umaalis ang Chinese Coast Guard sa loob ng ating teritoryo.

Hindi dapat gayahin ni BBM si dating Pangulong Rodrigo Duterte na saka lang nagsalita laban sa China noong paalis na siya sa Malacañang pero sa loob ng kanyang anim na taon, nakabibingi ang katahimikan niya kaya lalong umabuso ang mga ito.

Walang may gusto ng giyera dahil alam natin na talagang wala tayong laban pero hindi ito nangangahulugan na manahimik ang mga lider ng bansa natin na nanumpa sa watawat ng Pilipinas na ipagtatanggol niya ito.

Kung maririnig lang ni BBM ang reaksyon ng mga Pinoy sa panibagong pag-atake na ito ng China, baka pati siya ay madala. Galit na galit ang mga karaniwang mamamayan, sa totoo lang.

Talagang nakagagalit din ang patuloy na pag-aangkin ng China sa teritoryo natin dahil daw sa kanilang local law at tayo pa ang inaakusahan nilang nanghihimasok eh malinaw sa United Nation Convention on the Law of the Sea na ang mga sinasakop nila ay nasa loob ng ating 200 nautical mile EEZ.

Tulad nitong Ayungin Shoal na 105 nautical miles lang ang layo sa mainland ng Palawan, tapos ang kapal pa ng mukha nila sa pagsasabing bahagi ito ng kanilang territorial waters?

Pero kailangan na rin sigurong maging pro-active ang UN para maiwasan na mauwi sa komprontasyong militar ang problema sa WPSs at huwag maghintay na saka lang kikilos kapag nagkaputukan na.

Dapat ipatupad ng UN ang batas sa karagatan at turuan ng leksyon ang mga bansang hindi sumusunod dito lalo na ang China dahil nagmumukha silang dekorasyon lang at reaksiyonaryo na lang lagi.

114

Related posts

Leave a Comment